Wala pang isang linggo
MGA sunog sa Parola Compound, Tondo. Sunog sa Pasay. Sunog ng gusali sa Quezon City na inabot ng dalawang araw. Lahat ito naganap wala pang isang linggo ng Marso, ang kinikilalang Fire Prevention Month. Kabalintunaan, masamang biro. At hindi biro ang masunugan. Kapag hindi nakontrol, wala nang matitira sa iyo. Kapag nalagay pa sa masamang sitwasyon, maaari kang mamatay. At hindi namimili ang sunog. Huwebes ng gabi nasunog ang isang kilalang kainan sa Katipunan Ave. Takot lang ng mga katabing bahay at negosyo dahil sa dikit-dikit din sila doon. Kaya maging komunidad ng informal settlers, o kilalang kainan, hindi namimili ang sunog.
Ito na rin ang panahon para alamin kung maayos ang lahat ng pamatay-sunog sa mga gusali, negosyo at tahanan. Ang mga fire extinguisher ay kailangang pinapalitan taon-taon, kahit hindi ito nagamit. Maaaring humina na kasi ang pressure nito at baka hindi na epektibo kapag kailangan na. May iba’t ibang klase rin ng fire extinguisher para sa iba’t ibang uri ng sunog. Dapat malaman din ito ng mga gagamit. Ang mga sprinkler system ay dapat malaman kung gumagana pa. Minsan napapatungan na ng pintura ang mga ito kaya hindi na rin gagana kapag may sunog na.
At mahalaga pa rin ang pagkahanda ng ating mga bumbero. Ang mabilis na pagresponde ng bumbero ang kritikal sa mga unang minuto ng sunog. Kapag lumaki na masyado, mahirap nang mapatay. Mahalaga na maayos ang lahat ng kagamitan ng mga bumbero. Alam ko may mga trak diyan na lumang-luma na rin, pero kung malakas naman ang mga bomba at maayos ang mga hose, malaki pa rin ang pakinabang. Hindi na kailangang sabihin na ang pagsasanay ng mga bumbero mismo ay napakahalaga. Walang silbi ang magaganda at modernong kagamitan, kung ang mga gagamit naman ay hindi kuwalipikado.
Matagal pa ang Marso. At ilang buwan din ang tag-init itong taon. Ang sabi nga, kung hindi natuloy ang El Niño noong 2014, baka ngayon maganap. Ngayon pa lang ay ramdam na ang init ng panahon. Tuyong-tuyo lahat ng kahoy, dahon. Isang pagkakamali lang ay pwede na maging impyerno.
- Latest