Mga kulay ‘dilaw’ natiklop na sa DAP
TAHIMIK na ngayon ang mga dating umaatungal na tagapagtanggol ng administrasyon sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Pinal nang idineklarang ilegal o unconstitutional ng Korte Suprema ang konsepto at ideya ni Budget Sec. Butch Abad nitong Martes.
Ito ‘yung bilyones na pondo ng Palasyo na sinasabing suhol sa mga senador at kongresista para mapatalsik si dating Chief Justice Renato Corona. Pero ipinalabas na ginamit sa mga proyekto na nabulgar lang nang pumiyok si Sen. Jinggoy Estrada.
Ipinaglaban ito ng patayan ni Pangulong Noy Aquino at ng mga kulay dilaw sa Kongreso. Nilikha daw ang DAP para sa ikabubuti ng nakararami o sa englis, “it was done in good faith.”
Matatandaang, sinasaltik ni PNoy ang Kataas-taasang Hukuman saan man siya pumunta noong nakaraang taon. Nagbanta sa mga hukom na tatanggalan sila ng pondo at tatapyasan ang kanilang kapangyarihan dahil sa labis labis na desisyon o judicial overreach.
Hindi dito nagpatinag ang Supreme Court. Bagkus, nanindigan sila sa kanilang prinsipyo, konsensya at sa nakasaad sa Saligang Batas. Na bagamat maganda ang intensyon ng DAP ayon na rin sa administrasyon, ilegal pa rin ito.
Nang makita ni PNoy na hindi siya papaboran ng Kataas-taasang Hukuman at nang isinusuka na ng taumbayan ang DAP, dito na kumambyo ang presidente. Bigla siyang nagpahayag ng suporta sa SC.
Binabalikan lang ng BITAG Live ang mga nangyari nitong nakaraang taon. Baka kasi sa dami ng mga bagong malalaking isyu, nakalimutan na ito ng publiko.
Sa desisyon ng Korte Suprema nitong Martes, ang may utak lang ng DAP ang pwedeng managot. Pero lusot pa rin sa pananagutan kung mapapatunayang “in good faith” o walang hinangad na masama nang ipinatupad ang proyekto. Bagay na ipinangangalandakan ngayon ni Abad.
Para sa BITAG Live, nakabuti man o nakasama ang ilegal na DAP, dapat may managot sa paglustay at pambabastos sa kaban ng bayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest