EDITORYAL – Siya!
LABINTATLONG oras na namalagi si President Aquino sa lamay ng 44 na miyembro ng Special Action Force sa Camp Bagong Diwa noong nakaraang linggo. Kinausap niya ang mga naulila at pinagkalooban ng medalya. Nangako rin ng tulong pinansiyal at scholarships sa mga anak ng 44 na bayani.
Ang ilan sa mga maybahay na tumanggap ng medalya ay kinakitaan ng kasiyahan sa ginawa ni P-Noy, pero marami rin ang nagpakita ng kalamigan at mayroon pang hindi tinanggap ang ibinibigay na medalya. Sabi ng ilan, hindi mahalaga ang medalya at mas gugustuhin nilang makamit ang hustisya at mapanagot ang nag-utos na sumalakay ang SAF sa Mamasapano, Maguindanao. Mas gugustuhin nilang malaman ang katotohanan. Bakit nangyari ang ganoong ka-brutal na pagkamatay gayung nakahanda naman ang SAF. Subsob sa training ang SAF kaya mahirap isipin para sa mga kamag-anak kung paano sila tinudla na parang baboy sa gitna ng maisan.
May nagsalitang ginang at sinabi niyang hindi naman perang suweldo lamang ang hangad ng kani-kanilang mga asawa kundi nasa puso nila ang paglilingkod sa Inambayan. Handa silang mamatay. Pero sana naman daw, sabi ng isang ginang, hindi naging brutal ang pagpatay. Humihingi sila ng agarang pag-iimbestiga. Umapela siya kay P-Noy.
Umani ng batikos si P-Noy at nag-trend sa social media nang hindi niya naging prayoridad ang mga sundalong dumating sa Villamor Airbase. Hindi niya binigyang halaga ang pagsalubong sa mga tinatawag na bayani. Ayon kay Presidential Spokesman Sonny Coloma wala sa orihinal na plano ni P-Noy ang pagsalubong sa 44 na bayani. Panauhing pandangal si P-Noy sa pagbubukas ng bagong planta ng Mitsubishi sa Laguna. Bakit inuna pa iyon? Puwede namang makapaghintay ang inagurasyon. Naikumpara tuloy siya kay US Pres. Barack Obama na kinansela ang lahat ng appointment para lamang masalubong ang mga sundalo na napatay sa Afghanistan. Mahalaga kay Obama ang nagawa ng mga namatay sa labanan.
Hindi masisisi ngayon ang netizens kung bakit nakasubaybay kay P-Noy. Inilalabas lamang nila ang tunay na saloobin sa pagwawalambahala ng Presidente sa nalugmok na 44. Hanggang kailan, magwawalambahala?
- Latest