^

PSN Opinyon

‘Mag-amang Bully’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

IHANDA mo ang sariling mahiwa sa pagpasok sa lugar na matalahib at matusok sa paghawak sa halamang matinik. Kung magpupumilit ka, sanayin mo ang iyong katawan sa sugat ng hindi mo iindahin pa.

“Ilang taon na kaming pumasok sa lugar na iyon pero dayo pa rin kami kung ituring ng ilan,” panimula ni Belen.

Masukal, matarik ang daan at liblib. Ganito sinalarawan ni Evelyn ‘Belen’ Estrella, 59 anyos ang daan papuntang Palosapis, nung una siyang magawi rito.

“Napadpad ako sa Montalban, Rizal. Sa paghahanap ko ng bahay nakilala ko ang isang babae at tinuro niya ako sa Palosapis…” ani Belen.

Si Belen ay may tatlong anak. Tatlo na rin ang kanyang naging asawa. Namatay ang ama ng kanyang panganay at nakapag-asawa siyang muli subalit ng malamang may iba pa lang asawa ang lalake iniwan niya ito at dinala ang anak.

“Sa Langhaya, Cogeo talaga kami na nakatira. Dun ko nakilala ang asawa ko ngayon si Boroy,” wika ni Belen.

Nagpakasal muli si Belen kay Bienvenido alyas “Boroy”---auto painter.  Nagkaroon sila ng anak si Armando o ‘Armand’, 30 taong gulang na ngayon.     

Taong 2002, nagdesisyon si Belen na ibenta ang bahay nila at lumipat sa ibang lugar. Naghanap ng bahay si Belen. Nakilala niya si Aileen Aquino at dinala siya nito sa lugar kung saan nagbebenta ng rights ng bahay, sa Palosapis. Mabundok pa raw ang daan nun subalit marami ng nakatira.

“Tumanda na ang ilan dun, dun na nagkaapo. Sila-sila na rin ang nag-asawahan kaya’t halos lahat magkakamag-anak,” ani Belen.

Aminado siyang sa lahat ng magkakapitbahay sila ang hindi palalabas. Bahay-trabaho lang daw ang mga anak kaya’t ang dating may pagkasuplado.

Pagtagal nag-asawa na ang tatlong anak at bumukod habang sa Palosapis din tumira ang kanyang bunso—malapit sa kanilang bahay.

 Abril 28, 2011…Kasalang bayan nagpakasal si Armand at asawa nitong si Jackelyn. Matapos ang seremonya, bandang 6:00PM nagsimula na ang inuman sa labas ng bahay ni Armand. Alas otso ng gabi ng kumatok si Armand sa bahay ng ina at naghingi pa ng isang long neck na Emperador Lights.

May maliit na tindahan si Belen kaya’t dun niya ito kinuha sabay sabi sa anak na, “Tama na yan ah…” Sinabi ni Armand na huling bote na iyon dahil may magse-set up siya sa isang catering kinabukasan.

Tuloy ang inuman… bandang 10:00 PM kumatok na lang ang kumare niyang si ‘Cora’ at nagsisigaw na, “Mare, yung anak mo ata may kaaway…”

Nanakbo palabas si Belen at pumunta sa direksyon ng bahay ng anak. Umabot siya sa posohan sa may labasan at nakita niya na lang si Armand na duguan ang mukha. Gamit ang kanyang hintuturo tinuturo nito ang mukha sabay sabing, “Ma, tignan mo mukha ko! Tignan mo ginawa ng mag-ama sa’kin!” habang hawak ang isang kahoy.

Sa sakit na inabot ni Armand, umamba raw itong mamalo sa nambugbog na mag-ama na tinuro niya na sina June Aldana at anak na si Anthony Aldana. Mga kasama rin sa inuman. Sila umano ang siga sa kanilang lugar.  

“Mga 6-footer mga yan, Lahat kaya nilang pagtripan,” ayon sa ina.

Akmang hahampasin ng kahoy ni Armand si June subalit agad siyang naawat at pinagsisipa umano sabay sabi pang, “Tumawag kayo ng barangay!”         

May traysikel sina June kaya’t agad nakarating ng Brgy. para magsumbong. Ayon sa blotter report, binato siya ni Armand, papaluin ng kahoy at pinagbantaang papatayin. Ilang sandali, sina Armand naman ang dumating sa Brgy. na noo’y naglakad lang. Nireklamo niya ang mag-amang Aldana na pinagtulungan siya.

Nakita ng mga taga-Brgy. ang sabog na mukha ni Armand kaya’t agad siyang sinabihan na mag-medical examination sa Amang Rodriguez Hospital.

Nagtamo ng mga pasa at gasgas sa mukha, leeg, siko hanggang paa si Armand (buong katawan). Less than 9 days ang healing period.

Nagkaroon ng pagdinig sa baranggay. Humarap ang mag-ama at humingi ng despensa subalit parang nagmamalaki daw ang mga ito kaya’t isinampa ni Armand ang kasong Slight Physical Injuries sa Prosector’s Office Taytay, Rizal

Base sa salaysay na ibinigay ni Armand kay PO2 Rodel Mina sa Pulisya ng Rodriguez, Rizal nung ika-17 ng Mayo 2011, nasabing petsa habang nagkakasiyahan at nag-iinuman, dumating na lang si Anthony na nakainom na. Pinainom niya pa ito subalit patapos na rin sila. Bigla na lang itong nagsisigaw ng wala ng inumin. Nagpasya siyang itigil na ang inuman at inihatid niya ang mga bisita sa sakayan. Pagbalik niya sa kanto ng Pa­losapis, hinarang na lang siya ni Anthony sabay sabing ‘P*7@#6 i#@ mo! Pasindi nga!” Napatawa si Armand  at tinulak siya nito sabay suntok sa mukha, napahiga siya. Dumating ang ama nitong si June at pinagsabihan pa siyang siya ang mali. Tinadyakan daw siya sa tagiliran. Nakatayo na siya ng inalmahan pa siya ni June kaya’t nanakbo na siya pauwi.

Matagal na raw siyang kursunada ng mag-ama. May pagkakataong nanghaharang ito, nanghihingi ng panigarilyo o hahaltakin ang suot na sombrero.

Pumunta sa lahat ng pagdinig ang mag-ama hanggang naiakyat ang kaso sa MTC, Rodriguez, Rizal at umabot ng tatlong halos apat na taon.

Taong 2014 umareglo raw ang mag-ama at nagbigay ng P3,000. Pagod na daw si Belen sa haba ng kaso kaya’t tinanggap niya ito subalit mula nun hinaharang daw si Armand nila Anthony at barkada nito at sinasabi umanong, “Tatlong libo lang pala katapat mo. Kaya kong bayaran buhay mo.”

Ibinalik ni Belen ang perang tinanggap sa mag-ama. Nitong ika-19 ng ­Enero 2015 nagkaroon ulit ng pagdinig ang kaso at sinabing nadesisyonan na ito.

“Wala na raw kaso, may binabanggit silang probation,” ani Belen.

Ito ang dahilan ng pagpunta ni Belen sa amin. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil ang kasong tulad ng Slight Physical Injuries ay may sintensya nasa anim na buwan pagkakakulong lamang, kung ito ang unang beses na makasuhan ang mag-aama pwede silang mag-probation. Hiniling namin kay Belen na magdala ng kumpletong dokumento ng kaso. Nitong huli nagdala siya ng kopya ng sentensya mula sa MTC, Rodriguez Rizal at dito nakalagay na nag-‘file’ ang mag-ama ng ‘change of plea’ mula sa ‘not guilty’ inamin na nila ang kaso. Kadasalan hinahayaan na lang ito ng korte para ‘di na gumastos ang gobyero ng napakalaking halaga sa paglilitis. Ang isa pang dahilan ay upang mabawasan ang dami ng mga kasong naka­binbin sa kanilang sala. Ipinaliwanag namin sa kanya ito para kanyang maunawaan. Ang abogado ni Belen ay nagsampa na ng Partial Motion for Reconsideration dahil tahimik ang desisyon ng hukom tungkol sa sibil na pananagutan para naman makapagpresinta sila ng mga nagastos nila pati na rin ang perwisyong naidulot ng kaso. Sa ngayon hinihintay nila ang desisyon ng hukom. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ARMAND

BELEN

BRGY

MAG

RIZAL

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with