Enkuwentrong naiwasan sana
NASA 44 ang namatay sa enkuwentro ng PNP-Special Action Force (SAF) at MILF sa Mamasapano, Maguindanao. Ang isyu rito ay bakit nangyari ang barilan, kung kasalukuyang may kasunduan na para sa pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng MILF at gobyerno. Kasalukuyang pinag-uusapan na nga ang Bangsamoro Basic Law. Kung may kasunduan na, bakit nagbabarilan pa rin?
Ayon sa mga naunang balita, pumasok ang SAF sa lugar na kontrolado ng MILF para arestuhin si Zulfiki bin Hir alyas “Marwan” at si Basit Usman, mga kilalang tagagawa ng mga bombang ginagamit sa terorismo. Lehitimong operasyon para sa mga pulis ang arestuhin ang mga kilalang kriminal. Pero dahil pumasok nga sa teritoryo ng MILF na walang pahintulot, naganap ang barilan. Hindi pa matiyak kung mga MILF lang ang nakipagsapalaran sa mga pulis, o kung may mga sumaling Abu Sayyaf o BIFF. Ang hinala ang mga BIFF ang unang nagpaputok.
Ngayon, nagtuturuan na kung sino ang may kasalanan sa naganap na enkwentro. Ayon sa panig ng MILF, hindi raw nakipagkoordinasyon ang PNP sa kanila hinggil sa gagawing pag-aresto sa mga nabanggit na kriminal. Dapat pinaalam sa kanila, para binigyan ng pahintulot pumasok sa teritoryo, at baka nakatulong pa sila. At bakit hindi rin pinaalam sa AFP, para mas mabigyan ng impormasyon hinggil sa lugar? Sa madaling salita, tila sa PNP ang bumabagsak ang kamalian dahil kumilos sila ng walang koordinasyon.
Pero kung may kasunduan na nga sa pagitan ng MILF at ng gobyerno, hindi ba puwedeng magkaroon ng usapan muna bago putukan? Kung pumasok nga ang mga pulis sa teritoryo ng MILF, hindi ba pwedeng magkaroon ng pag-uusap muna o kumpirmasyon kung sino sila? Maliban na lang kung mga BIFF at Sayyaf ang nagsimula ng putukan, at rumesponde na lang ang mga pulis. Pero kung kontrolado nga ng MILF ang lugar, pwede bang gumala nang malaya ang BIFF at Sayyaf diyan? Bakit pinuntahan ng mga pulis ang dalawang kriminal na nasa loob pala ng teritoryo ng MILF? At kung BIFF at Sayyaf ang nagpasimuno ng putukan, bakit sumali ang MILF?
Napakaraming tanong. Walang argumento na naiwasan sana ang enkuwentro kung nakipag-ugnayan nang maayos ang magkabilang panig. Malungkot at may mga namatay mula sa SAF at MILF, kung MILF nga sila. Kung BIFF o Sayyaf, ibang usapan na iyan at mga kalaban naman ng bansa ang mga iyan. Ang hiling ng lahat, ay huwag sana madiskaril ang talakayan hinggil sa Bangsamoro Law, dahil sa naganap na enkuwentro. Pinaghirapan ang kapayapaan. Kailangang ipaglaban.
- Latest