EDITORYAL – Balik-lansangan
KAHAPON, nakita na naman ang mga batang palaboy sa maraming lansangan sa Metro Manila. Nagkumpol-kumpol na naman ang mga bata sa kahabaan ng Roxas Blvd. malapit sa Cultural Center of the Philippines. Marami ring nakitang bata sa Qurino at Taft Avenue at ganundin naman sa Bonifacio Drive sa Intramuros, Manila.
Ang mga nabanggit na lugar ay dinaanan ni Pope Francis nang dumalaw siya sa Pilipinas noong nakaraang linggo. Limang araw siyang nasa bansa at habang narito, maraming isinermon ukol sa corruption at hiniling na itakwil ang anumang uri nito. Mariin din naman niyang ipinaalala na kalingain ang mga bata. Panatilihing buo ang pamilya. Ang pagkakawatak-watak ng pamilya ay nangyayari dahil sa nararanasang kahirapan ng buhay. Napipilitang magtrabaho ang ama at ina sa ibang bansa at dito nag-uugat ang paghihiwalay. Maraming bata ang nasasadlak sa pagdodroga, pagnanakaw at prostitusyon.
Ang pagkawala noon ng mga palaboy sa kalsadang dinaanan ni Pope Francis ay nagbunga nang maraming katanungan sa lahat. Nasaan ang mga bata at mga pamilyang nakatira sa kariton, kalye, waiting shed at mga silong ng tulay at flyover? Saan sila dinala?
Hanggang sa mabulgar na dinala ang mga bata sa isang resort sa Batangas at doon binigyan pagkain, damit, laruan at kung anu-ano pang kailangan nila. Ang nagdala sa Batangas ay ang Department of Social Welfare ang Development (DSWD). Inamin naman ng DSWD na taun-taon ay dinadala nila ang mga batang palaboy at kanilang pamilya sa beach resort.
Isang araw makaraang makaalis ang Papa, ibinalik na ng DSWD ang mga bata at ilang pamilya sa lugar na kanilang pinagdamputan sa mga ito noong parating ang Pope. Balik ang da-ting mga nakatira sa Roxas Blvd., Quirino Ave., Tat Avenue at Bonifacio Drive.
Malaking kapintasan ito sa DSWD. Bakit kailangang itago ang mga palaboy? Bakit kaila-ngang itaon sa pagbisita ni Papa? Kailan mangyayari na magkakaroon nang matibay na plano ang DSWD sa mga bata? Kailan kakalingain ang mga kapuspalad?
- Latest