EDITORYAL – Buo pa ba ang daliri ng anak mo?
SA natanggap na report ng Department of Health (DOH), nasa 73 na ang napuputukan kaugnay sa pagdiriwang ng Bagong Taon. At sabi ng DOH, habang papalapit ang paghihiwalay ng taon, nadadagdagan ang mga napuputukan. Ito ay sa kabila na walang patid ang kanilang paalala na huwag magpaputok at baka maputulan ng daliri, masabugan sa mukha at mabulag. Mayroon pa silang TV ad na nagpapakita sa mga batang naputukan sa daliri.
Pero wala pa ring kadala-dala ang marami sapagkat sa kasalukuyan, marami pa rin ang nagpapaputok. Nanguguna sa ginagamit na puputok ay ang piccolo. Mga bata ang gumagamit ng piccolo.
Noong nakaraang taon, 599 ang mga naputukan at karamihan sa mga ito ay bata. Mas mababa ang naputukan noong 2012 na umabot sa 419.
Sinabi ng DOH na isa sa pinaka-delikadong paputok ang piccolo. Mayroon daw nagmimintis na piccolo at pinupulot ng mga bata sa pag-aakalang hindi na puputok. Walang kamalay-malay na may sindi pa pala at biglang sasabog sa kamay. Kapag napinsala ang daliri, kailangang putulin iyon. May mga bata na nasabugan ng piccolo sa mga mata at nabulag. Kapag hindi ipinagbawal ang piccolo, mas marami pa ang mapuputulan ng daliri o kaya’y mabubulag.
Paigtingin naman sana ng PNP ang pagkum-piska sa mga piccolo para wala nang maibenta sa mga bata. Siguruhin lamang na hindi mare-recycle ang mga piccolo na kanilang kinumpiska. Baka pagkakitaan ito ng mga tiwaling pulis.
Pero ang makasisiguro pa rin sa kaligtasan ng mga anak ay ang mga magulang. Ngayong maghihiwalay ang taon, bantayan ang mga anak para hindi makapagpaputok. Laging isaisip ang kanilang kaligtasan. Huwag silang hayaang sa kalsada at baka matuksong bumili ng piccolo. Ipaalala sa kanila na masarap salubungin ang Bagong Taon na buo ang mga daliri.
- Latest