Pinalitan ng contractual
KASO ito ng PCT. Idinemanda ang kompanya ng unyon ng mga empleyado nito sa NLRC dahil ang mga posisyong binakante ng mga regular na empleyado ng kompanya ay pinapalitan ng mga “contractual” na empleyado samantalang tulad din ng mga regular na empleyado ang tinatrabaho ng mga ito. Hiningi ng union na bayaran sa mga contractual ang diperensiya sa suweldo at benepisyo ng mga regular.
Nagdesisyon ang Labor Arbiter sa kaso ng hindi na hinintay pa ang position paper ng PCT. Ang ginawa kasi ng kompanya ay nagsumite ng isang mosyon para i-dismiss ang kaso. Pinagbabawal ang mosyon na ito. Dahil naiwang hindi nasasagot ang mga paratang ng unyon ay itinuring ng Labor Arbiter na totoo at tama ang mga nakasaad dito. Dineklara ng Labor Arbiter ang PCT na may sala ng “unfair labor practice”. Inutos ng Labor Arbiter na bayaran ng PCT ang diperensiya sa mga suweldo at magbayad din ng danyos (moral and exemplary). Kinampihan ng NLRC ang Labor Arbiter sa desisyong ito bagaman tinanggal ang babayaran sa danyos.
Nagpetisyon ang PCT sa CA ngunit binasura din ito. Ang kailangan kasing sertipikasyon (verification and certification of non-forum shopping) ay pirmado lamang ng presidente ngunit walang resolusyon na nagpapatunay na awtorisado siya ng board of directors ng kompanya. Tama ba ang CA?
MALI. Ang patakaran ay hindi tatanggapin ang anumang aktuwasyon ng isang opisyal ng kompanya kung hindi ito awtorisado ng board of directors. Sa mga kasong dinesisyunan ng Korte Suprema, makikitang kinikilala ang mga sumusunod na opisyal ng kompanya na may kakayahang pumirma sa sertipikasyon kahit walang kasamang resolusyon ng board: 1) Chairman ng board, 2) Presidente ng kompanya, 3) General Manager o Acting General Manager, 4) Personnel Officer at 5) ang tinatawag na “employment specialist”. Ang mga nasabing opisyal at kinatawan ng kompanya ay makapipirma sa sertipikasyon na walang kailangang resolusyon ng board. Sila ang mas nakaaalam sa takbo ng kompanya dahil sa hinahawakan nilang posisyon.
Nararapat lamang na ibalik ang petisyon ng PCT sa CA upang magkaroon ng pagkakataon ang korte na pag-aralan kung talagang inabuso ng Labor Arbiter at ng NLRC ang kanilang kapangyarihan sa kaso dahil hindi nila binigyan ng pagkakataon ang PCT na magsumite ng dokumento sa kaso.
Mas mabibigyang hustisya ang magkabilang panig kung pareho silang napakinggan at ang isyu ay niresolba ayon sa katibayang hawak nila. (PCT Travel vs. NLRC et. Al., G.R. 154379, October 31, 2008).
- Latest