‘Pemberton’ isang text case
MALALAMAN natin kung mananaig ang katarungan para sa mga inulila ng pinatay na transgender na si Jeffrey Laude at hindi mangingibabaw ang dominanteng impluwensya ng Estados Unidos. Umuusad na ang kaso laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton at ito’y welcome news.
Kahapon ay nagharap na sa korte ng Olongapo City sa unang pagkakataon sina Pemberton at ang pamilya ng biktimang si Laude. Kaso walang naganap na pagbasa ng sakdal. Bagkus, ito’y isa lamang “booking procedure” para isapormal na ang Amerikanong nasasakdal ay nasa kamay na ng Korte. Ano mang oras na ipatawag siya ng Hukuman ay dapat siyang sumipot.
Pero sa kabila nito’y mananatili sa pangangalaga ng US government si Pemberton kahit siya nakapiit sa pasilidad sa Camp Aguinaldo. Hindi na kasi nagpumilit ang pamahalaan na makuha ang kustodiya kay Pamberton dahil sa itinatadhana ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa mga servicemen na nasasangkot sa mga krimen sa Pilipinas.
Sa ginawang booking procedure, kinunan si Pemberton ng mugshot , fingerprints at isinailalim sa medical examination. At least, wala na ang mga agam-agam at hinala na wala sa kulungan ang nagkasalang US serviceman at mapapanatag na ang mga kaanak ng pinaslang na si Laude.
Gusto ng abogado ng mga Laude na si Atty. Roque na buksan sa media ang coverage ang pagdinig sa kaso at ilipat ng kulungan ang US servicemen sa isang lokal na piitan sa Olongapo City. Ewan ko lang kung pauunlakan ang paglilipat kay Pemberton sa ibang kulungan dahil nagmamatigas nga ang US government na manatili sa custody nito ang nasasakdal nilang mamamayan.
Kaya masasabi natin na ito’y test case kung rerespetuhin ng Amerika ang soberenya ng Pilipinas. Mahalaga ito dahil hindi lang ordinaryong krimen ang nangyari dahil nakasalalay ang relasyon ng dalawang bansa at batid naman natin na napakahalaga ng soberenya ng isang bansa na dapat igalang ng bawat isa.
- Latest