Hindi problema ng kostumer ’yan
MAY mas babastos pa ba sa taxi drayber na ito? Nakuhanan sa video ang kabastusan ng taxi drayber kung saan pinagagalitan at minura pa ang kanyang pasahero. Bakit? Dahil buo raw ang pera at wala siyang panukli. Nang may makausap pa na kapwa taxi drayber, pinahiya pa ang kanyang pasahero! Sapat na dahilan na ba ang walang barya para pagalitan, pahiyain at murahin ang kostumer? Mabuti na lang at nakunan sa video para may patunay sa kanyang kabastusan. Baka baliktarin pa ang kuwento kung sampahan ng reklamo. Responsibilidad ng drayber, at lahat ng negosyo ang may sapat na panukli para sa kanilang mga kostumer. Hindi na responsibilidad o problema ng kostumer ang may barya. Dahil ang negosyo ang humihingi ng bayad, dapat sila ang may panukli. Sa ibang bansa hindi nga uso ang pagtanong kung “may piso ka” o ano pang barya na tila problema pa ng tumatangkilik sa negosyo.
Dapat hanapin ng LTO at LTFRB ang drayber na ito. Nakunan sa video ang pangalan at plaka ng taxi kaya walang ligtas. Kung may dapat tanggalan ng lisensiya, ito na iyon. At bakit mga ganitong klaseng drayber ang kinukuha ng kompanyang ito? Kung ganito siya kabastos dahil wala lang panukli, paano pa kung nakainom ng alak habang pumapasada? Hindi ko maisip ang magagawa nitong bastos na ito kung sakaling nakainom, o naka-droga. Walang-wala siya sa lugar para pagsabihan ang pasahero. Pasalamat siya at may pasahero siya. Pasalamat siya at may trabaho siya. Pasalamat siya at hindi siya nakatapat ng hindi papayag sa kanyang ginawa at pinaramdam sa kanya. Ganun pa man, tangggalin na ang lisensiya nito!
Hindi dapat tinitiis na lang ang mga taong bastos, lalo na mga wala sa lugar. Dapat tularan ang mga Koreano. Sa isang Korean Air Lines na flight, nagalit ang anak ng may-ari ng kompanya sa nagsilbi sa kanya ng mani. Dapat daw nasa platito ang mani, at hindi basta ibinigay lang sa kanya ang supot nito. Sa galit niya, pinabalik niya ang eroplano sa gate para pababain ang nagsilbi sa kanya. Naantala tuloy ang lipad ng kalahating oras. Nang lumabas ang balita, ipinakita ng mga Koreano ang galit nila sa anak ng may-ari ng kumpanya, na isang opisyal din sa kumpanya. Sobra naman daw. Wala raw sa lugar para gawin iyon, dahil lang sa maling pagsilbi ng mani. Napilitang magbitiw sa pwesto ang mayabang na anak sa kompanya, at humingi ng tawad. Pero ganun pa man, hindi na dapat tinitiis ang ganitong kaugalian ng mga taong akala ay angat sila sa lahat. Marami rito sa ating bansa ang may ganyang ugali. Komo anak ng ganito o ni ganyan, kailangang silbihan na tila hari, prinsipe, o diyos.
- Latest