EDITORYAL – DTI, maging alerto sa mga ‘buwitreng’ negosyante
PAGKATAPOS manalasa ang bagyo, sumusulpot ang mga buwitreng negosyante. Sasamantalahin nila ang pagkakataon para maitaas ang kanilang mga paninda lalo ang mga pagkain. Alam nilang hindi na makakapiyok ang mga nangangailangan ng pagkain at magbabayad kahit sobra-sobra ang pinatong sa paninda.
Walang ipinagkaiba ang mga gahamang negosyante sa mga buwitre na nagsusulputan kapag nakaamoy ng mga bangkay. Walang pakialam ang mga ganid at gahamang negosyante sa kalagayan ng mga biktima ng bagyo o anupamang kalamidad. Ang nasa isip ng mga gahaman ay kumita nang malaki. Mabuti pa nga ang mga buwitre at kapag nabusog sa laman ng bangkay ay titigilan na ang pagsila at pagkatay. Ang mga gahamang negosyante ay hindi titigil at gusto’y kumita nang kumita hanggang umapaw ang kanilang bulsa sa pera.
Grabeng hinagupit ng Bagyong Ruby ang Eastern Samar kaya dapat magbantay doon ang Department of Trade and Industry (DTI). Mga pangunahing paninda gaya ng bigas, sardinas, noodles, kape at asukal ang kadalasang itinataas ang presyo sa mga lugar na sinalanta ng bagyo. Kahit pa isang linggo na ang nakararaan, mula nang manalasa si Ruby, tiyak na may mga negosyante pa ring nagsasamantala.
Walang ipinagkaiba nang manalasa ang Bagyong Yolanda noong nakaraang taon, maraming may-ari ng tindahan ang nagtaas nang doble sa kanilang paninda. Hindi lamang mga pangunahing pangangailangan ang itinaas kundi pati mga materyales sa bahay.
Maraming nagsasamantalang negosyante kapag may kalamidad at sana maging alerto naman sa pagbabantay ang Department of Trade and Industry (DTI) sa masamang gawain na ito. Hindi sana matulog sa pansitan ang mga taga-DTI ngayong panahon. Kawawa naman ang mga nabiktima ni Ruby kung mabibiktima ng mga “buwitre”.
Ipatikim ng DTI ang kanilang kamaong bakal sa mga gahamang negosyante. Kapag nahuli at napatunayang nagmahal ng paninda, bawian ng lisensiya para hindi na muling makapagtinda. Ang mga matatakaw na negosyante ay hindi dapat pinatatawad. Sampolan sila para matigil na ang pagsasamantala sa kapwa.
- Latest