‘Sa iba ikinarga (?)’
ISANG shot ng alak…matapos nilagok ilang sandali lang dumating ang armadong grupo. Nagpulasan ang nag-iinuman sabay takbo.
“Napadaan lang siya at natagayan. Nung magtakbuhan dalawa silang naiwan. Diretso kulungan na,” pahayag ni Jack.
Kwento sa amin ni Jacqueline Marzan o Jack, 31 taong gulang, ika-14 ng Disyembre 2013 bandang alas singko ng hapon sa Fourth Estate, Parañaque nang hulihin ng mga pulis ang pinsang si Gilbert Abar.
Hinawakan na sila ng pulis habang ang mga ebidensiya ay nagkalat daw sa lupa kasama ang ‘buy bust money’.
“Ang perang yun ang nagdiin sa kanya. Matapos makunan ng salaysay ikinulong na sila sa CIDG Central,” wika ni Jack.
Sumailalim din sa ‘drug test’ si Gilbert at ‘negatibo’ daw ang resulta.
Sa salaysay ng pag-aresto na nilagdaan noong ika-18 ng Disyembre 2013 nina PO2 Albert Iwag at PO2 Johnny Margate ng Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group ng Parañaque Police Station, ‘alas otso ng umaga ng Nobyembre 30, 2013 ng may dumating na impormante. Ini-report ang pagbebenta ng iligal na droga ng isang alyas Dino na bandang huli ay napag-alaman naming ang tunay na pangalan ay Ricky Chavit.
Agad na ipinaalam ng kanilang team leader na si P/SInsp. Marlou Besoña sa Chief of Police ng Parañaque Police Station ang mga detalye. Gumawa sila ng pre-op at koordinasyon, nadiskubre rin nila na kasama sa ‘watch list’ si Dino.
Si PO2 Iwag ang naatasang bibili ng droga at inabot sa kanya ang limang daang piso bilang buy bust money. Minarkahan ito ng ekis sa kanang bahagi. Si PO2 Margate naman ang magsisilbing ‘back-up’ ni PO2 Iwag.
Habang papunta sila sa lugar may nag-text sa impormante na ang kanilang target ay papunta sa Fourth Estate.
“Ipinagpatuloy namin ang buy bust operation. Nagmanman kami sa lugar, matapos ang labinglimang minuto sinabi ng impormante na nasa area 6 si Dino at may kasamang mga lalaki,” ayon sa salaysay.
Sina PO2 Iwag at ang impormante ay lumapit na kay Dino. Sa isang bahay napansin nilang may mga nag-iinuman, lumapit sa isang lalaking nakaupo ang impormante. “Pare dagdag kong customer ito sa ‘yo”.
Ang dalawang lalaki na malapit kay Dino ay nagtatawanan habang isinasagawa ang transaksiyon. Nakilala itong sina Gilbert at Reyfel Painagan.
“Boss pakuha ng halagang limang daan pang gamit ko lang,” sabi ni PO2 Iwag. Iniabot niya kay Dino ang limang daang piso. Ibinigay naman sa kanya ang isang sachet na may lamang white crystalline substance na hinihinalang shabu.
Agad na ginawa ni PO2 Iwag ang napag-usapang senyas at hinawakan niya si Dino sabay pakilalang pulis. Nagpambuno silang dalawa at naitulak siya nito ng malakas kaya ito’y nakaalpas at nakatakas. Naiwan sa sahig ang nabanggit na ebidensiya at ang markadong pera.
“Nabaling ang atensiyon ko sa dalawang kasama ni alyas Dino na akmang tatakbo. Pinigil ko sila sa aking paniniwala na sila’y kasabwat sila sa iligal na transaksiyon,” pahayag ni PO2 Iwag.
Ineksamin nila ang nakuhang ebidensiya at lumabas na ito’y positibo na Methamphetamine Hydrochloride.
Sinampahan ng kasong paglabag ng Sec. 5 Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act. si Gilbert at Reyfel.
Sa kontra-salaysay ni Gilbert sinabi niyang noong ika-14 ng Disyembre ay nag-welding siya sa bahay ng amo ng kanyang ina sa area 6. Alas singko ng hapon ibinalik niya ang welding machine kay Felizardo at napadaan sa grupo ng mga nag-iinuman. Kakilala niya ang isa doon na si alyas Lily at niyaya siya. Pumayag siyang uminom sandali.
“Nagulat ako ng biglang dumating ang mga pulis at nagkagulo sa lugar kung saan napasama akong makipag-inuman,” ayon sa salaysay.
Lalo raw siyang nagulat nang siya’y damputin nito at akusahang nagbebenta ng iligal na droga.
Matapos ang pagbibigay ng salaysay ng mga akusado at pagtimbang sa ebidensiya naglabas ng resolusyon si 2nd Assistant City Prosecutor Napoleon Ramolete. Pinili ng mga akusado ang karapatan sa ilalim ng Art. 125 ng Revised Penal Code kaya naisagawa ang preliminary investigation.
Base sa mga alegasyon ng magkabilang panig ang buy bust operation ay nangyari nung Nobyembre 30, 2013 na nagsimula ng alas otso ng umaga, kung ito’y totoo ang kaso ay hindi para i-inquest ngunit ‘for further investigation’.
Tanging si alyas Dino lamang ang sinabi ng impormante na nagbebenta ng iligal na droga at ang target na lugar ay ang Sampaloc. Wala din ang dalawa sa ‘watch list’ ng mga pulis.
Ang impormante at si PO2 Iwag ay nakipagnegosasyon kay Dino at hindi sa dalawang naaresto. Dito niya ibinigay ang buy bust money. Ito rin ang nag-abot ng droga kay PO2 Iwag. Malinaw na ang dalawang naaresto ay walang partisipasyon sa transaksyon.
Nung panahon ng komosyon ang buy bust money at droga ay natagpuan sa lupa at hindi hawak ng dalawang akusado. Sina Gilbert at Reyfel ay inaresto ng mga pulis dahil lamang sa hinala na sila’y kasabwat. Ang alegasyong ito ay hindi napatunayan sapagkat walang ebidensiyang nag-uugnay sa dalawa at kay Dino. DISMISSED ang inilagay ng taga-usig.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Jack.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil sa dami ng kaso ng droga at mga alingasngas na nagkakaroon ng lagayan at kung minsan nadidiin ang walang sala, naglabas ng Department Circular 022 si Sec. Leila Delima.
Nakasaad na lahat ng mga kaso tungkol sa droga ay dapat dumaan sa ‘automatic review’. Naiintindihan namin na sadyang napakadami ng kailangan irebyung kaso ngunit ang isang taon ay sobrang tagal na naman yata.
Si DOJ Sec. Leila De Lima ay patas na tao kaya’t pinayuhan namin silang sumulat dito. Tumawag kami kay Director Perla Duque ng Department of Justice Action Center (DOJAC) para sila’y maendorso kay DOJ Sec. De Lima ang kanilang panawagan.
Napakaganda ng pagkasulat ng Prosecutor at malinaw na makikita dito na ang nakakulong ay walang kasalanan. Wala silang partisipasyon sa nangyaring transaksiyon. Maging ang mga butas ng imbestigasyon ay mapupuna rin. Kailangan ding mapaalalahanan ang ‘reviewing prosecutor’ na nakalagay din sa DC 022 na meron lamang siyang tatlumpung araw(30 days) kasama na run ang pagpapapirma ng kanyang mga hepe para resolbahin ito. Mag-iisang taon na at malinaw na lampas na sa ibinigay na panahon.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. I-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest