Nagbagong kulay
KADUDADUDA ang biglang pagbabagong kulay ni da-ting Rep. Buboy Syjuco. Ngayon ay “kritiko” na siya ng Pangulo at ng kanyang mga kaalyado sa Liberal Party.
Sa mga kinakaharap na kaso ni Syjuco, tila hindi interes ng publiko ang kanyang motibo. Matagal nang kabanggaan ni Syjuco ang Pangulo, at ilang mga lider ng LP, tulad ni Senate President Frank Drilon.
Si Syjuco ay isa sa mga paboritong miyembro noon ng gabinete ni Pangulong Arroyo, kaya naman walang mintis noon ito sa pagdepensa kay Arroyo sa kabi-kabilang kontrobersiya nito.
Noong halalan sa 2013, lumipat siya sa United Natio-nalist Alliance ni VP Jejomar Binay bilang congressional candidate, kaso di pinalad na magwagi.
Sa kabila ng pagdikit niya sa pangalawang pangulo, patong-patong na kaso ukol sa pagnanakaw ng kaban ng bayan ang binubuno ni Syjuco. Muntik nang makulong ito nang ipaaresto ng Sandiganbayan dahil sa six counts of violation of the anti-graft law na kinasangkutan niya bilang pinuno ng TESDA.
Sabit siya sa kaso ng overpricing diumano ng P61 million halaga ng training materials para sa ahensya.
Mukhang iisa ang sinasabing hilig ni Syjuco sa overpriced na mga proyekto at ng kanyang pinakabagong boss. Si Binay rin kasi ay hinahabol dahil sa mga diumano’y overpriced na proyekto nung ito pa ang alkalde ng Makati, kabilang na ang parking building ng Makati City Hall na pumalo daw sa P2.7 billion.
Tumutugma ang takbo ng sinasabi ni Syjuco sa mga pahayag ni Rep. Toby Tiangco at iba pang tagapagsalita ng oposisyon sa pagtirada sa 2015 budget.
Kaya hindi masisisi ang taumbayan kung maghinala sa integridad ni Syjuco at isipin na siya ay isang bayarang payaso na mang-aaliw at mang-gugulo kuno para sa kapakanan ng kanyang mga amo.
- Latest