EDITORYAL – Basura sa MRT
SUNUD-SUNOD ang aberya ng Metro Rail Transit sa nakaraan at nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan. Hindi lamang ang mga bitak sa riles, pagbukas ng pintuan, pag-usok ng bagon, biglang pagtirik habang nasa kalagitnaan ng biyahe ang dahilan kaya tumitigil ang operasyon at naaantala ang mga pasahero kundi pati basura ay dahilan na rin kaya naatrasado ang biyahe ng MRT noong Linggo ng umaga.
Isang bag na punumpuno nang umaalingasaw na basura ang naging dahilan para huminto ang operasyon ng MRT nang mahigit dalawang oras. Nabulaga ang operator ng MRT bago dumating ng Magallanes Station sapagkat isang bag na puno ng basura ang nakasabit sa alambreng linya ng kuryente na nagbibigay ng power sa tren. Nawalan ng kuryente sa lugar kaya sinuspinde ang biyahe mula Taft Station hanggang Mandaluyong Station.
Natagalan bago maalis ang bag ng basura sapagkat mabigat iyon at kailangang maging mai-ngat ang pagkuha para maiwasan ang disgrasya. Ayon sa mga tauhan ng MRT, inihagis umano ng isang residente mula sa Malibay, Pasay ang basura. Hinala ng MRT personnel, inihagis mula sa overpass sa Malibay ang basura at eksaktong bumagsak sa train’s system power lines.
Maraming walang disiplina at kulang sa pag-iisip ang mga nagtatapon ng basura. Malaki ang aming paniwala na sinadya ang pagtatapon ng basura para maatraso o mapinsala ang operasyon ng MRT. Hindi na nila naisip na inilalagay nila sa peligro ang buhay ng mga pasahero. Maaa-ring maaksidente ang MRT kapag tinapunan ng basura o anumang bagay habang tumatakbo.
Mas maganda kung magkakaroon ng bantay ang mga footbridge o overpass para mahuli ang mga magtatapon ng basura. Paano kung hindi basura kundi mga matitigas na bagay gaya ng bato ang ihagis mula overpass? Delikado ang buhay ng mga pasahero ng MRT. Sa pagkakataong ito, dapat ding kumilos ang barangay para magbantay sa mga lugar na nabanggit. Dapat mahuli ang mga sutil ay walang disiplinang mamamayan.
- Latest