EDITORYAL - Pasahe sa MRT huwag itaas!
AYON sa report, bago mag-Pasko ay itataas na ang pasahe sa Metro Rail Transit (MRT). Matagal na umanong balak itaas ang pasahe at dapat ay noon pang 2011 pero hindi itinuloy. Maraming tumutol sa balak na pagtataas. Muling binalak itaas noong 2013 pero hindi pa rin nangyari. Ngayon daw 2014 ay maaaring matuloy na sapagkat babawasan na ang subsidiya ng gobyerno para sa operasyon ng MRT. Sabi ni President Noynoy Aquino noon sa kanyang SONA kaugnay sa pagtataas ng pasahe sa MRT, ang ibabawas na subsidy sa MRT operation ay magagamit sa iba pang serbisyo na ang makikinabang ay maraming mamamayan. Hindi naman daw dapat nakabuhos sa MRT lahat ang pondo gayung ang nakikinabang lamang ay mga taga-Metro Manila. Kapag itinaas daw ang pasahe sa MRT, makakapag-save ang pamahalaan ng P2 billion sa ipinagkakaloob na subsidy. Ayon pa sa report, maaaring wala nang atrasan ang balak na pagtataas ng pasahe sa MRT. Kapag natuloy aabot umano sa humigit-kumulang na P30 ang pasahe sa MRT.
Malaking pasanin ito sa mga commuter na walang ibang sinasakyan kundi ang MRT sa pagpasok sa kanilang trabaho o maging ang mga estudyante. Bagama’t may katwiran ang gobyerno na malaki ang matitipid sa ibinibigay na subsidiya sa MRT operations, ang commuters naman ang mahihirapan dahil sa pagtataas. At gasino na ba ang suweldo ng masa na araw-araw ay sumasakay sa MRT. Hindi kalakihan ang kanilang suweldo at ang karamihan pa ay mga contractual workers na pagkaraan ng limang buwan ay inaalis na sa trabaho o panibagong kontrata muli.
At tila mali rin naman sa timing ang pagtataas ng pamasahe sapagkat kung kailan nagkakaroon ng aberya ang MRT ay saka ipipilit ang fare hike. Sunud-sunod ang pagkasira ng MRT gaya ng putol at may crack na riles, pagbubukas-sara ng pinto ng bagon at ang pagtirik sa gitna ng biyahe.
Ipagpaliban ang fare hike sa MRT. Maawa naman sa mga karaniwang commuter na kasyahan lamang ang pamasahe. Unahin munang isaayos ang serbisyo ng MRT at saka ipatupad ang fare hike.
- Latest