EDITORYAL - Barangay: Inutil sa mga krimen
KAPAG may nangyaring krimen sa isang lugar at hindi agad nakaresponde ang mga pulis, sila ang unang sinisisi. Inutil daw ang mga pulis, walang silbi raw ang mga pulis, pangongotong daw at panghuhulidap daw ang inuuna ng mga pulis at kung anu-ano pang masasakit na batikos. At hindi napapansin ang barangay na dapat ay isa rin sa mga nauunang sumaklolo sa mga nabibiktima ng kawatan. Kahit minsan, hindi sinisisi ang mga pinuno at kagawad ng barangay kapag may nangyaring krimen o kaguluhan sa isang lugar na kanilang sakop. Laging mga pulis ang binabakbakan ng sisi. Dapat daw ay laging magpatrulya ang mga pulis. Pero di ba dapat ding magronda ang mga barangay tanod sa lugar na kanilang sakop.
Kung wala ang pulis sa lugar dapat naman mayroong barangay tanod na sasaklolo sa mamamayan na nasa panganib. Pero ang nangyayari ngayon, wala na ngang pulis ay wala pang bara-ngay tanod lalo na sa kalaliman ng gabi. Kaya ang kawawa ay mga residenteng umuuwi ng gabi dahil sa paghahanapbuhay.
Isang halimbawa na lamang ay nang holdapin ng isang lalaking armado ng patalim ang isang 12-anyos na batang lalaki na nagtitinda ng pandesal noong nakaraang linggo sa Caloocan City. Ayon sa bata, binibilang umano niya ang napagbentahan nang lapitan siya ng suspect at tinutukan ng patalim at sapilitang kinuha ang P200 niyang kinita. Sa labis na takot ng bata ay nanginig ito at halos hindi makapagsalita. Nakunan ng picture ang bata at ipinost sa facebook. Kumalat ang photo at umani ng simpatya sa netizens. Nakunan pala ng CCTV ang holdaper at pinaghahanap na ngayon ng Caloocan police. Hindi pa rin naaalis ang trauma na dinanas ng batang magpapandesal.
Walang nakadalo o tumulong na pulis o bara-ngay tanod man lang sa kawawang bata habang hinoholdap. Dapat nakita man lang ito ng mga barangay tanod. Dapat nagroronda sa madaling araw ang mga tanod. Inutil din ang barangay sa mga nangyayaring krimen sa kabila na malaking halaga ng Internal Revenue Allotment (IRA) ang napupunta sa kanila. Huwag lang iasa sa pulis ang pagpuksa sa krimen, dapat kumilos din ang barangay at hindi nagiging dekorasyon lang.
- Latest