Tatlong taon ang nasayang
Sa Saligang Batas nitong ating bansa
anim na yaon lang dapat mamahal
halal na pangulo na mapagkalinga
may pusong busilak marangal ang diwa!
Sa ‘tuwid na daan’ tayo’y pinalakad
ng ating pinunong maraming pangarap;
subali’t ang daan nabaluktot agad -
ito’y butas-butas at maraming ahas!
Ang nasabing landas ay lubhang makipot
mga naglalakad ay natatapilok;
doo’y naghari pa ang kidlat at kulog
at saka may bagyong sa bansa’y naglubog!
Kaya nang magdaan ang bagyong Yolanda
tulong sa Tacloban biglang nadisgrasya;
dagsa ang donasyong dumating sa bansa
hindi nakasapit sa mga kawawa!
Tatlong taon ang sinayang ng ating gobyerno
para matulungan ang maraming tao;
mga magbubukid, mga empleyado
sila’y pawa-pawang nawalan ng pondo!
Sampung pilyong piso nakuha ni Janet
na kunwa’y napunta sa maraming projects;
mga perang ito’y nakuha ng ganid
sa tulong ng ating leaders na limatik!
Sa anim na taon tatlo ang naubos
na may anomalyang napasulput-sulpot;
ang mga kriminal hindi natatakot
maraming patayang sa bansa ay salot!
Kaya tingnan natin kung makababawi
itong ating bansa sa pagkaduhagi?
Sa ‘tuwid na daan’ tayo ay nasawi --
tayo ay dinala sa dusa’t pighati!
- Latest