EDITORYAL - Planong shutdownng MRT-3
BALAK ni Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya na suspendihin ang operations ng Metro Rail Transit-3 dahil sa mga depektibong riles. Ayon kay Abaya, kaila-ngang itigil ang operasyon para maisagawa nang maayos ang pagkukumpuni, particular ang mga putol na riles.
May katwiran naman si Abaya sapagkat inaalala niya ang kaligtasan ng mga pasahero na maaring manganib kapag nadiskaril ang MRT dahil sa mga depektibong riles. Pero kailangan pa ring pag-aralang mabuti ang plano niya sapagkat maraming pasahero ang apektado kapag tinigil ang operasyon.
Kung magagawa ng paraan na maisasaayos ang riles na hindi na kailangang suspendihin ang operasyon ay bakit hindi ganun ang gawin. Maaari naman sigurong palitan ang mga riles sa gabi – kapag wala nang biyahe ang MRT. Marami pang magagawa na hindi kailangang suspendihin ang operasyon.
Noong nakaraang linggo, dalawang beses naatrasado ang biyahe ng MRT dahil sa nakitang crack o bitak sa riles sa pagitan ng Ortigas at Santolan Stations at ganundin naman sa makalampas ng Boni Station. Naging dahilan iyon para itigil ang biyahe ng MRT pa-southbound.
Ang sunud-sunod na aberya sa MRT ay nagpapakita lamang ng poor maintenance nito. Napapabayaan na ang MRT. May ginagawa pa bang pagsasaayos dito. Nang mag-overshoot ang MRT sa EDSA-Taft Station noong nakaraang Agosto 13, maraming nagsabi na dapat nang igarahe ang mga bagon at palitan nang bago. Kung hindi papalitan ay baka lalong masama ang mangyari. Maraming nasugatan sa pag-overshoot.
Minsan naman ay bumubukas ang pintuan ng MRT at minsan may umusok sa bagon. At ngayon nga putol na riles naman ang nakitang depekto.
Walang pinaka-maganda kundi magkaroon ng mga bagong tren ang MRT at siguruhing isasaayos ang mga ito. Kailangang mahusay ang maintenance company na hahawak para naman masiguro na hindi mapapahamak ang mga pasahero. Nararapat nang magkaroon ng pagbabago sa MRT.
- Latest