^

PSN Opinyon

Hong Kong, China

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

PABORITONG bakasyunan ng mga Pilipino ang Hong Kong. Malapit, abot-kaya, hindi kailangan ng visa para makapasok. May mga panahon pa nga na murang-mura ang ticket. Ayon sa Hong Kong Tourism Board, pang-anim ang mga Pilipino sa dami ng bumibisita sa Hong Kong bawat taon. Pero itong mga nakaraang araw, malalaking kilos-protesta ang naga­ganap doon. Bagama’t wala pang pahayag ang Department of Foreign Affairs na nagbabawal sa mga Pilipinong bumisita sa Hong Kong, inaabiso na umiwas na muna sa mga lugar kung saan may kilos-protesta, at binalaan na huwag sumali.

Ibinalik ng United Kingdom ang Hong Kong sa China noong 1997, matapos ang 155 taong bahagi ng UK ang nasabing lugar. Ito ang pagpapatupad ng kasunduan sa pagitan ng UK at China na nilagdaan noong 1984. Ginawang “Special Administrative Region”, para maipagpatuloy ang karamihang sistema na nakasanayan na ng mga taga-Hong Kong noong nasa ilalim pa ng UK. Pero malinaw na hindi pa rin lubusang mayakap ang sistema ng gobyerno ng China. Ilang mga kilos-protesta ang naganap magmula noong 1997, na pina­ngungunahan ng mga estudyante. Pinoprotesta ang mga kilos ng Beijing na maging lubusang bahagi na ng China, partikular ang sistemang pagpapatakbo ng gobyerno. Sa madaling salita, demokrasya pa rin ang nais nila, at hindi estilo ng  komunismo ng Beijing. Sa darating na halalan sa 2017, hindi pa rin daw tunay na malaya ang pagboto sa Hong Kong, dahil ang Beijing ang mamimili umano ng mga kandidato. Ito ang bunsod ng protesta ngayon. Nasaan nga naman ang kalayaan diyan?

Naging marahas ang mga kilos-protesta sa mga nakaraang araw, kung saan gumamit na ng tear gas ang mga pulis, isang aksyon na hindi makikitang madalas maganap sa Hong Kong. Dahil sinakop ng mga nagprotesta ang mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng Hong Kong, apektado na ang negosyo at komersyo. Ang kilos na ito ay kahawig ng mga naganap na kilos-protesta sa Bangkok noong nakaraang taon, ang tinawag na “Occupy Bangkok”. “Occupy Central” naman ang tinatawag nila sa Hong Kong.

Ang mga ganitong kilos ay sinisimangutan ng mga pinuno ng China. Maaalala ang naganap sa Tiananmen Square noong 1989, kung saan libong tao ang nanawagan ng reporma at demokrasya­ sa gobyerno. Naging lubos na marahas. Su­mugod ang mga tangke ng Peoples Liberation Army, at namaril sa mga nagprotesta. Aabot sa higit 1,000 tao, habang pito hanggang 10,000 ang nasaktan.

Inaasahan na hindi naman ganito ang mangyayari sa Hong Kong. Iba na raw ang China ngayon kumpara noong 1989. Pero kumilos na ang Beijing sa pamamagitan ng pagbawal sa media at internet ng anumang usapin o balita hinggil sa mga kilos-protesta sa Hong Kong, pati na rin ang pagpigil sa mga kilalang social media tulad ng Instagram. Karaniwang ginagawa naman ng Beijing ito kapag may gulo sa kanilang bansa. Kung gaano katagal mananatili ang mga protesters sa kalsada ng Hong Kong ay hindi pa matiyak. Habang tumatagal, mas nagiging tensyonado at peligroso ang sitwasyon, tulad ng nangyari sa Tiananmen Square. May bibigay at bibigay sigurado sa mga magkatunggali. At sa tingin ko, hindi Beijing ang bibigay.

BEIJING

HONG

HONG KONG

KILOS

KONG

PERO

TIANANMEN SQUARE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with