STL
AABOT sa 40 ang bookies ng Small Town Lottery (STL) sa Batangas. Ngunit kung sa tingin ko hindi nakikinabang dito si Gov. Vilma Santos, tiyak si Sr. Supt. Joreh Omega Fidel, ang provincial director ng Batangas ay puno ang bulsa. Wala naman akong balita na merong weekly payola sa bookies ng STL subalit si Fidel ang gamit ay si PO2 Antolin “Jhong” Valera. Batid naman ng gobyerno na front lang ng “jueteng” ang STL subalit ewan ko ba at pinapalawig pa nila ang buhay nito? May nakikinabang kaya sa bookies ng STL ang gobyerno ni President Aquino, ‘yan ang tanong ng mga suki ko. Dapat lang ipatigil na ng gobyerno ang STL dahil walang pakinabang sa mga nagkalat na bookies nito. Walang tax ang bookies at ilang beses bang ibinabando ng PNP na ang STL ay front ng jueteng? Maliwanag na source lang ng corruption ang STL. Teka nga pala, si Valera ay naka-assign sa Office of the Regional Intelligence Division o R2 ng PRO4-A. Nakalista sa item ni Valera ay intelligence operative subalit ang trabaho pala ng loko ay “gathering inteligencia” sa mga gambling lords para kay Fidel. Ika nga weekly payola “for PD purposes”. Kaya pala sa casino nagbababad si Valera dahil sa sobrang laki nang pasobra niya sa “quota system” ni Fidel.
’Wag nang magtaka mga suki kung magkaroon ng “intelligence failure’ ang Calabarzon police sa pag-atake ng NPA o iba pang uri ng terorista dahil ang weekly payola sa illegal gambling ang inuuna nila. Narito ang kapustahan ni Valera na mga bookies ng STL sa Batangas. Si Chairman Noel Virtucio sa Bgy. San Jose; Toper Mendoza sa Lipa City; Ady sa Rosario, ex-chairman Nelson sa San Juan; Sano sa Padre Garcia; Clint sa Taysan; Chairman Bening sa Bgy. Talumpok, Batangas City; Neptali sa San Pascual; Violy sa Taal at Bauan; Juaning at Mandy sa Lemery; Vangie, Lito, Chairman Mario at Chairman Mike sa Tanauan; pulis na si Leo M. sa Malvar; Jun-Jun sa Bgy. Bagbag sa Tanauan; Chairman Jojo sa Sto. Tomas; Chairman Peping Gatdula na ABC president sa Calaca; Chairman Carling sa Lipa City; Jay-R sa Balayan; Eddie Lara sa Mataas na Kahoy; Jerry Acebo sa Ibaan; at Eddie din sa Balate. Ang mga lotteng naman ay ke retired pulis Relos sa Lian; Chairman Peping Gatdula sa Calaca, Nasugbo, Balayan, Tuy at Calatagan habang ang sakla naman ay ang puesto piho ni Jun Lubrea sa Padre Garcia, at sakla, pula’t puti sa Tombol cockpit ni Marcing Lugarte sa Rosario, sakla at pula’t puti din at ping-pong ball ng pulis na si Jun Ayap sa Bgy. Nato sa Rosario; at sakla ni Amber Monales sa cockpit sa Mataas na Kahoy. Hayan DILG Sec. Mar Roxas Sir, walang kulang at walang labis ang listahan na ’yan ng illegal gambling sa Batangas. Abangan!
- Latest