‘Isang tapik…tigok’ (Huling bahagi)
“Off-duty ako nung mga panahong yun at kasama ko ang pamilya ko. Nagulat na lang ako nang malaman kong isa ako sa inakusahang nambugbog sa kanya,” wika ni Barco.
“Kahina-hinala ang mga kilos niya. Sumusulyap-sulyap pa siya sa grupo namin at nagkukunwaring nag-tetext. Bigla na lang niyang hinampas ang mobile namin,” dagdag pa ng isang pulis.
Itinampok namin noong nakaraang MIYERKULES ang umano’y pambubugbog ng mga pulis sa kapatid ni Rasol Escalisas na si Redentor na naging dahilan daw ng pagkamatay nito.
Ang National Bureau of Investigation (NBI) na ang humawak ng kaso. Sinampahan nila ng kasong Homicide at Grave Misconduct ang mga pulis na sina PO2 Jeffrey M. Barco, PO2 Mamerod S. Caracena, PO2 Michael Forrosuello ng Cebu Provincial Office at kina PO3 Favio A. Daplinan at PO2 Joel Pino ng Madridejos Police Station.
Nagbigay ng kanyang panig ang ‘desk officer’ ng Madridejos Police Station na si Rizalino Batindaan Jr. Ayon sa kanya bandang alas 2:45 ng umaga nang dalhin si Redentor sa istasyon ng grupo nina PO3 Favio Daplinan, PO2 Mamerod Caracena, PO2 Joel Pino at PO1 Michael Forrosuelo para sa ‘detention’.
Ikinulong lang daw ng mga ito si Redentor at umalis na. Mag-isa lang daw ito sa kulungan at umiinda sa sakit ng tiyan. Paglunok nito ng tubig nagsuka lang ito.
Bandang 9:15 ng umaga ng Enero 29, 2012 mula sa utos ni SPO2 Saul Alejandria, Deputy Chief of Police ng Madridejos Police Station ay pinakawalan niya si Redentor. Binigyan niya rin daw ito ng pera pamasahe.
Kinabukasan sa balita ng isang kasamahan nalaman na lang niyang namatay na ito.
Sa kontra-salaysay naman ng mga pulis, itinatanggi nila ang pambubugbog kay Redentor. Enero 28, 2012 bandang 10:45 ng gabi sina PO3 Daplinan, PO2 Caracena, PO2 Rico Reboquio, PO2 Pino at PO1 Ferrosuello ay ang mga nakatalagang pulis para mapanatili ang katahimikan sa Sitio Chinese, Madridejos, Cebu dahil na rin sa piyesta sa kanilang lugar.
Ang ilang pulis ay inaya sa loob ng sayawan at tanging si PO2 Reboquio na lang ang naiwan sa labas. Bandang alas 2:45 ng Enero 2012 nang mapansin nito na may isang taong kahina-hinala ang mga kilos at sumusulyap sa kanilang grupo. Minanmanan niya ito at patuloy ito sa pagkukunwaring nagte-text.
Humakbang ang taong ito na nakilala nilang si Redentor at nang mapalapit sa mobile nila ay hinampas daw nito ng sariling kamay ang windshield.
Lasing si Redentor kaya naman pansamantala nilang dinala sa istasyon ito para sa safekeeping. Kinabukasan nang mawala na ang kalasingan niya ay pinakawalan na nila ito. Maayos daw ang katawan at kaisipan ni Redentor nang umalis.
Mariin nilang itinatanggi ang umano’y pambubugbog kay Redentor. Nang nasabing petsa si PO2 Barco ay off-duty nun at kasama lang ang pamilya. Nagulat na lang siya ng akusahan siyang isa sa bumugbog kay Redentor. Hindi niya rin daw ito kilala.
Halos isang buwan din nilang ibinurol ang kapatid dahil hinihintay nila ang pangalawang doktor na magsasagawa ng autopsy.
Katulad ng naunang pagsusuri, ‘Consistent with a Perforated Gallbladder’ din ang naging resulta ng isinagawang autopsy ni Dr. Rene Cam ang Medico-legal Officer ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang pagkasira ng internal organs o ‘Perforation’ kadalasan ay dahil sa ‘blunt force trauma’. Wala man daw ‘external injuries’ na nakita sa tiyan hindi ibig sabihin nito ay walang pinsala sa loob. Ito ay sa kadahilanang ang balat sa tiyan ay madaling nababanat (elastic) lang kapag natamaan ng matigas na bagay.
Ang isang taong dumadanas ng ‘perforated gall bladder’ ay maaaring mabuhay kapag nabigyan kaagad ng lunas ngunit kapag hindi ay maaari siyang mamatay sa ‘septicemia’.
Ang nangyari kay Redentor dala ng impeksiyon sa buong loob ng tiyan (abdomen) ng madamay ang kanyang bituka at pumutok ito (peritonitis) at nagpakawala ng mga nakalalasong bagay.
“Hindi po nakakatanggap ng subpoena ang mama ko. Hindi niya alam kung ano na ang itinakbo ng kaso kaya’t nagsadya na lang kami sa ombudsman para alamin. Nakakuha kami ng kopya ng resolusyon,” sabi ni Rasol.
Ayon sa ginawang resolusyon ni Graft Investigation and Prosecution Officer Yvette Marie Evaristo noong Disyembre 7, 2012, ‘DISMISSED’ ang kaso sa kadahilanang wala silang sapat na ebidensiyang inihain para ito’y mapatunayan.
Hiningian din ang dalawang panig ng kanilang position papers ngunit tanging ang mga akusado lang ang tumugon.
Ang salaysay daw ng ina ni Redentor ay pawang ‘hearsay’ lamang.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Rasol.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kaya pinakawalan ng mga pulis kinabukasan si Redentor dahil hindi nila ito maaaring ikulong ng mahabang panahon kung wala namang kasong nakahain laban dito.
Hindi kumbinsido ang pamilya sa unang sinabi ng doktor na nag-autopsy dahil ang inilagay nitong ikinamatay ni Redentor ay bulate. Tanging si Bascon lang ang nabanggit ni Redentor bago siya namatay at ang ilan ay hindi niya napangalanan. Kung sakaling magtuluy-tuloy ang kaso tanging si Bascon lang ang makakasuhan dahil ang dalawa pang nambugbog sa kanya ay hindi naman niya sigurado kung sino sa mga kasama niya ng nung mga panahong yun.
Naging mahina lang ang kasong ito dahil walang testigo ang nagbigay ng pahayag sa nangyaring insidente. Kung gusto nilang isampang muli ang kaso kailangan ng ‘case build up’. Humanap sila ng testigo mula sa selda na maaaring nakakita ng pangyayari. Ngunit ang tanong dito sa selda kaya ito binugbog kung sakaling totoo ang paratang sa mga pulis? Meron kayang tetestigo laban sa mga pulis habang nasa loob siya ng kulungan?
Bilang tulong sa kanila ini-refer namin sila sa Department of Justice Action Center (DOJAC) kay Atty. Perla Duque para malaman ang hakbang na maaari pa nilang gawin.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
www.facebook.com/tonycalvento
- Latest