^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hanggang kailan aangkat ng bigas?

Pilipino Star Ngayon

NGAYON ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni President Noynoy Aquino. Tiyak na marami siyang iuulat sa sambayanan dahil maraming nangyaring gumimbal sa lahat. Bukod sa PDAF at DAP, ang isyu ukol sa bigas ang isa sa maaaring nakapaloob sa kanyang SONA. At sana maging kakaiba ang ulat niya ukol sa bigas. Sana, may masabi siya ukol sa talamak na smuggling ng bigas at bakit walang napaparusahang smugglers nito. Mas maganda rin kung masasabi niya na hindi na aangkat ng bigas sapagkat sisikaping paunlarin ang mga bukirin, gagawa ng mga irigasyon, tutulu-ngan ang mga magsasaka at bubuhusan ng pondo para makatuklas ng variety ng palay na sasapat sa pangangailangan ng mamamayan.

Napakalawak ng taniman ng palay ng bansang ito kaya naman nakadidismaya na patuloy sa pag-angkat ng bigas sa ibang bansa. Nakakahiya na ang inihahain sa bawat hapag ay bigas na galing sa Thailand, Vietnam at China. Nakapanlulumo na sa lawak ng taniman ng palay, kailangan pang umangkat para lamang makakain ang mamamayan. Nakapanghihinayang ang mga lupain na dapat sana ay may tanim na palay para hindi na umangkat ng bigas.

Kamakailan, sinabi ng National Food Authority (NFA) na naghahanda na ang gobyerno sa pag-angkat ng 500,000 tonelada ng bigas. Ano ito? Nasaan na ang sinabi ni P-Noy sa kanyang ika-apat na SONA na maliit na lamang ang aangkatin. Sabi ni P-Noy sa SONA noong Hulyo 22, 2013: “Ngayong 2013, ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pa-kainin ang ating sarili.”

Hindi natupad ang kanyang sinabi. Aangkat pa rin ang bansang ito na malawak ang lupang sakahan.

AANGKAT

ANO

BIGAS

BUKOD

DAGDAG

HULYO

NATIONAL FOOD AUTHORITY

P-NOY

PRESIDENT NOYNOY AQUINO

STATE OF THE NATION ADDRESS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with