Tawanan mo ang iyong problema
HANGGANG weekend ay mayroon pang mga lugar sa Metro Manila at sa karatig pook kung saan hindi pa rin naibabalik ang kuryente. Kung maski yung rotating brown out na lang sana, kakayanin pa. Ang kaso’y imbes na rotating brown out ay rotating electricity ang nangyari. Mayroon pangilan-ngilang oras na bumabalik ang kur-yente sa isang araw pero agad din itong maglalaho.
Kakaiba rin ang komedya ng Pinoy. Malaking bagay ito sa kung paano natin nalalampasan ang mga pagsubok na lulumpo sa iba. Dahil nakikita natin ang “lighter side” ika nga, hindi tayo agad sumusuko sa “darker side” na karaniwang magpapalala sa delikado nang sitwasyon.
Tingnan na lamang itong pinakahuling DAP issue na muling nagpalutang ng mga impeachment movements laban sa matataas na opisyal. Alam natin mula sa kasaysayan na sadyang nakakapunit sa tela ng mapayapang pakikipagkapwa ang nagbabanggaang posisyon sa impeachment. Hindi maiwasang maging madamdamin ang pagtulak at pagtanggol ng magkabilang panig. Ilang pamilya na ang nagkalamat ang relasyon dahil hindi magkasundo sa pulitika.
Kaya bentang-benta ang mga pabirong paraan ng pagtalakay sa kontrobersya. Ang ilan sa mga ito: (1) may nag-motorcade bilang tugon sa paghikayat ni P-Noy na magsuot ng yellow bilang tanda ng pagsang-ayon sa kanyang posisyon laban sa 13-0 unanimous decision ng Korte Suprema. Nagsuot nga sila ng yellow subalit ang kanilang panawagan ay: “NO ONE IS ABOVE DI-LAW” bilang pagtutol sa mga asta ng Presidente na para bang higit siyang mataas kaysa batas; (2) Si Sec. Mar Roxas na nagpapakamatay para sa endorso ni P-Noy ay biglang bumuwelta at nagmamakaawang i-endorso na sana ni P-Noy si Binay ngayong sumasadsad ang tiwala ng taumbayan sa Presidente.
Iba’t ibang anyo ng abuso ang nakakaenkuwentro ng bansa sa ating mga pinuno. Ang inaakala nating pinakatuwid ay lalabas pang pinaka-grabe ang kasalanan sa batas dala ng kanyang pagbalewala rito. Ano man ang mangyari, wala tayong aasahan kung hindi ang ating sarili at ang kakayanan nating makita ang kagaanan kahit pa sa pinakamabigat na sitwasyon.
- Latest