Bakla si judge
ANG judge na sangkot dito ay isang huwes sa Municipal Trial Court (MTC). Dalawampu’t walong taon na siyang kasal at may dalawang anak bago siya nagdesisyon na magsampa ng petisyon para ipawalambisa ang kanyang kasal dahil pareho raw sila ng kanyang misis na psychologically incapacitated o walang kakayahan na gampa-nan ang kanilang obligasyon bilang mag-asawa. Inilagay pa niya sa kanyang petisyon na isa siyang “homosexual” at hindi niya kayang makipagtalik sa kanyang misis maliban na isipin niya na kunwari ay isa itong lalaki. Ayon pa sa kanyang petisyon, dahil sa kanyang kasarian, nagkaroon ng relasyon ang kanyang misis sa iba’t ibang lalaki at hindi na niya ito kinuwestiyon.
Nilabanan ng misis ni judge ang petisyon. Ayon sa babae, gusto lang ni judge mapawalambisa ang kanilang kasal para mapakasalan ang kerida nito. Kaya bukod sa ginawang paglaban sa petisyon, nagsampa rin siya ng kasong administratibo kay judge para sa immorality dahil sa ginagawa nitong pambababae at para sa disho-nesty dahil nagsinungaling ito nang sabihin sa petisyon na siya ay bakla.
Pinaimbestigahan ng Office of the Court Administrator (OCA) ang kaso sa Executive Judge ng probinsiya. Sa imbestigasyon, pinakadidiin ng misis na hindi bakla si Judge dahil nagawa pa nga nito na magkaroon ng dalawang anak. Kaya ayon kay misis ay nagsisinunga-ling si Judge. Pero hindi nito nagawa na magpakita ng ebidensiya para patunayan na may karelasyon na ibang babae ang mister.
Kaya inulat ng imbestigador sa OCA na hindi gumawa ng imoralidad si Judge dahil lang isang bakla siya. At pangalawa, walang ebidensiyang magpapatunay na may karelasyon siyang ibang babae tulad ng sinasabi ng misis niya.
Ayon din sa imbestigador ay hindi rin nagsisinungaling si Judge. Kahit pa may dalawang anak siya sa kanyang misis ay hindi naman ibig sabihin nito ay hindi na siya bakla. Dapat ito’y patunayan pa rin sa husgado kung saan ang petisyon sa pagpapawalang bias ng kasal nila.
Sumang-ayon ang OCA sa resulta ng imbestigasyon ng Executive Judge at dineklara na hindi nagawang patunayan ng mga nagrereklamo ang mga paratang nila na may karelasyong iba ang judge o na immoral siya dahil lang sa pag-amin niya na isa siyang bakla o nagsisinungaling siya nang sabihin niya na isa siyang bakla. Ang korte lang ang makapagsasabi kung nagsisinungaling siya o hindi at hindi pa puwedeng magkaroon ng deklarasyon habang dinidinig pa ang kaso.
Sumang-ayon din ang Supreme Court sa naging rekomendasyon ng imbestigador at ng OCA para maabswelto si Judge sa mga paratang na immorality at dishonesty laban sa kanya. Wala naman daw kasing ebidensiya na makapagpapatunay na may karelasyong ibang babae si Judge. Tungkol naman sa isyu ng kanyang sinasabing homosexuality, ang korte kung saan nakabinbin ang petisyon para sa pagpapawalang bisa ng kanilang kasal na lang ang huhusga nito. Ayon pa sa Supreme Court, hindi porke nagpakasal si Judge at nagkaroon ng dalawang anak ay maituturing na itong katibayan na hindi siya bakla. Posible rin kasi na itinatago niya ang totoong kasarian kaya hindi maituturing na nagsisinungaling siya.
Pinaalala lang kay Judge na sa batas (New Code of Conduct of the Philippine Judiciary), nakasaad na bilang isang huwes ay laging nakatuon sa kanya ang atensyon ng publiko at dapt nyang limitahan ang kanyang personal na kilos di tulad ng isang ordinaryong tao. Dapat din siyang kumilos ayon sa nararapat bilang isang huwes, laging maging ehemplo ng integridad at hustisya. Ito daw ang mataas na kabayaran na kapalit ng kanyang posisyon bilang tagapataw ng hustisya (Campos, et. Al. vs. Campos, AM No. MTJ-10, February 8, 2012).
- Latest