Balewalang titulo

Karaniwan, ang titulo ng lupa ang isang matibay na dokumento ng pag-aari ngunit hindi ganito ang kinalabasan ng kaso nina Miguel at Benito.
Ang lupa sa kaso ay nasa tabing-dagat na inuupahan ni Miguel mula pa 1963 sa Bureau of Lands. Matapos maaprubahan ng Bureau of Lands na ipasukat niya ang lupa, sinimulan ni Miguel na magtayo ng daungan para sa mga barkong kinukumpuni niya sa kanyang negosyo. Noong 1969, nagsampa siya ng aplikasyon sa Bureau of Land para mapatituluhan sa kanya ang lupa. Noong 1976 pagkatapos ng 13 taong pag-ookupa ni Miguel, nag-apply din si Benito ng free patent para sa nasabing lupa. Sinabi niya sa Bureau of Lands na ang lupa ay “agricultural” at walang naka-okupa rito kundi siya. Kaya noong 1977, napatituluhan niya ang lupa sa kanyang pangalan at siningil niya si Miguel ng renta.
Nagreklamo si Miguel sa Bureau of Lands. Iginiit niyang siya ang naka-okupa rito ng 13 taon at may aplikasyon na siya para tituluhan ito sa pangalan niya, na mas una kay Benito ngunit di pa inaaksyunan. Hindi agad kumilos ang Bureau of Lands sa reklamo ni Miguel. Makatapos lang ng 11 taon pa bago ito nagsampa ng kaso sa Korte upang pawalang-bisa ang titulo ni Benito dahil natamo ito sa pamamagitan ng pandaraya at kasinungalingan. Ayon naman kay Benito, hindi na raw maaaring kuwestiyunin ng Bureau of Lands ang kanyang titulo sapagkat ayon sa batas, maaari lamang pawalang-bisa ang nasabing titulo sa loob ng isang taon mula nang ito ay ipalabas. Sa kaso niya 11 taon na ang nakalipas nang kuwestiyunin ang nasabing titulo. Tama ba si Benito?
Mali. Ang lupa ng estado na naibigay sa pribadong tao dahil sa katiwalian at panlilinlang ay maaaring bawiin kahit lampas na ang isang taon. Walang takdang panahon upang ito’y mabawi. Ang isang titulo na nakuha sa panghuhuwad ay hindi magkakabisa at sinumang makatamo nito sa ganitong paraan ay hindi maaaring makinabang dito. Sa kasong ito malinaw na nagsinungaling si Benito noong mag-apply siya para tituluhan ang lupa. Sinabi niyang ito’y agrikultural samantalang ito’y nasa tabing-dagat. Sinabi rin niya na siya ang naka-okupa rito samantalang naroon si Miguel mula 1963 pa na siyang nagpatayo ng mga konstruksyon doon. Kahit pa nakarehistro ang titulo sa ilalim ng “Torrens System” ang nasabing rehistrasyon ay hindi isang pamamaraan na makatamo ng ownership ng lupa. (Baguio vs. Republic of the Philippines, etc., R.G. 119682 January 12, 1999)
- Latest