Salpukan sa gobyerno
SA demokrasya ay may tatlong sangay ng pamahalaan: Ehekutibo na siyang nagpapatupad ng batas; Lehislatibo - gumagawa ng batas at: Hudikatura – gumagawa ng paglilinaw kapag may mga malalabong probisyon sa batas.
Lahat ng mga sangay na ito ay iginagalang ang bawat isa. Hindi sila nanghihimasok sa gawain ng isa’t isa at hindi puwedeng mag-dikta sa isa’t isa. Ang Korte Suprema ang siyang final arbiter na naghahayag ng desisyon sa ano mang isyung kinakaharap ng gobyerno lalu pa’t may kinalaman sa legalidad o ilegalidad ng ano mang isyu.
Ideneklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang Disbursement Acceleration Program (DAP) bagay na hindi naibigan ng ehekutibo at iginiit na moral at nakabuti sa bayan ang programa dahil ang pondong natutulog lang sa kaban ng bayan ay ibinigay sa mga proyektong dapat pabilisin ang implementasyon. Maganda nga ang layunin pero anang Korte Suprema, labag sa itinatadhana ng Konstitusyon. Sa halip na galangin ang desisyon, umalma ang Pangulo.
Ang pinakatumpak na hakbang na ginawa sana ng ehekutibo ay una: Igalang ang desisyon ng Korte; repasuhin ang probisyon ng Konstitusyon at magpanukala sa lehislatibo (Kongreso) ng batas sa paggastos ng salapi upang maipagpatuloy ang layunin ng DAP.
Ngunit sa nakalipas na televised message ni P-Noy sa telebisyon ay naghayag pa siya ng hamon sa Korte Suprema at tahasang sinabing aapela ito upang baguhin ang desisyon ng Hukuman. Hindi bale siguro kung ang maraming mahistrado ang pumabor sa DAP. Pero hindi. Labingtatlong mahistrado ang nagbasura sa DAP at wala ni isang kumampi rito.
Sa kanyang televised speech, muling tinawag ng Pangulo ang taumbayan na “mga boss ko.” Ngunit ang mga taumbayang ito na tinatawag niyang boss ang mismong nanggagalaiti ngayon sa galit. Masasalamin ito sa biglang pagdausdos ng kanyang approval rating batay sa surver ng Social Weather Station at Pulse Asia. Ito ang sinasabing pinakamababang pagbagsak ng rating ng Pangulo sapul nang siya’y manungkulang noong 2010.
- Latest