EDITORYAL - ‘Ngipin’ pa sa Anti-Hazing Law
DALAWAMPU ang suspects sa panghi-hazing kay Guillo Ceasar Servando, estudyante ng De La Salle-College of St. Binilde na naging dahilan ng pagkamatay nito noong Hunyo 28. Grabeng pahirap ang tinamo ni Servando sa initiation rites na isinagawa ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity sa isang apartment sa Palanan, Makati City. Sa 20 suspect ay dalawa ang babae. Isa sa mga mi-yembro ng Tau Gamma ang nakalabas na ng bansa.
Marami ang mananagot ayon sa National Bureau of Investigations (NBI) lalo’t isa na sa mga miyembro ang umamin at itinuro pa ang mga ginawa kay Servando bago at pagkatapos ng initiation rites. Sabi pa ng NBI kahit ang mga nanonood lamang sa hazing ay maaaring kasuhan sapagkat itinuturing na silang kasabwat sa krimen.
Ayon sa umaming miyembro, wala siyang na-ging papel sa sinapit ni Servando. Nanonood lamang daw siya. Pero sabi ng NBI, kasama pa rin siya sa kakasuhan. Pinaka-mabigat ang kakaharapin ng mga lider ng Tau Gamma na kinabibilangan ng Lord Grand Triskelion, ng master initiator at ng secretary nito. Ang tatlo umano ang nagsagawa ng initiation sa mga neophyte na kinabibilangan ni Servando. Kapag napatunayan, habambuhay na pagkabilanggo ang ipaparusa sa kanila.
Sa ilalim ng Republic Act No. 8049 (Anti-Hazing Law), mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasailalim sa hazing o initiation ang miyembro ng fraternities, sororities at iba pang organisasyon. Habambuhay na pagkabilanggo (reclusion perpetua) ang parusa kapag nagresulta sa pagkamatay, panggagahasa, sodomy or mutilation ng mga miyembro.
Subalit sa kabila na may batas ukol sa hazing, hindi pa rin masawata ang mga fraternity sa pagsasagawa nang madugong pagpapahirap sa mga bagong miyembro na para bang “uhaw sila sa dugo” ng kanilang “brod”. Tila ba nakakalimutan nilang tao ang kanilang pinahihirapan. Nawawalan na sila ng kontrol at palo nang palo na lamang sa hita ang kanilang ginagawa.
Maaaring kulang pa ang parusang nakasaad sa RA 8049 kaya marami pa rin ang sumusuway. Kailangang dagdagan pa ang ngipin ng batas para matigil ang pagpatay sa ka-“brod”.
- Latest