‘Bugbugan sa condo’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
‘PIDO’ kung siya’y tawagin. Sa itsura niya kinumpara ang karakter ng isang ‘soft drinks’…si “Fido Dido”. Matangkad, payat, may kahabaan ang baba at kung titignan kaunting kanti pwedeng mapatumba.
“Inawat ko ang misis niya sa pagnanabunot sa asawa ko. Sinita niya ko sabi niya, ‘Hoy anong ginawa mo sa asawa ko?’ Maya-maya lumipad na yung mga suntok niya sa mukha ko, sabay tinuhod ako,” kwento ni Pido.
Basag ang kaliwang pisngi… halos lumubog. Paga ang kaliwang panga at halos mabingi. Ito raw ang inabot ni Jerry Bello o “Pido”, 39 anyos matapos daw pagtulungan ng ilang residente ng Park Avenue Mansion sa Pasay City.
Tubong San Jose, Batangas si Pido, undergraduate siya ng kursong Aircraft Maintenance sa PATTS College of Aeronautics.
Taong 1997 ng mapunta siya sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia bilang Aluminum Technician. Dito naging karelasyon ni Pido ang tubong Mindanao na si Eva Lynn Diancin o “Eva”, 32 anyos nasa Maynila nun.
Pag-uwi ni Pido sa Pinas, nagsama na sila ni Eva at nangupahan sa Pasay City. Nagkaroon sila ng isang anak na babae, 15 anyos na ngayon.
Nagpalipat-lipat ng bahay sina Pido hanggang nitong huli sa isang condo unit sa Park Avenue Mansion sila umupa sa halagang Php6,000.
“Umalis na kami sa Park Ave. dati. Bumalik lang kami nitong 2012,” kwento ni Pido.
Ayon kay Pido, may kaguluhan sa Park Avenue, may naglalasing at maraming bandalismo sa paligid.
“Maaga ako pumapasok sa pagmamaneho… umuwi ako hating gabi na. Ang misis ko maaga rin ang pasok sa mall gabi na rin ang uwi,” ani Pido.
Ika-14 ng Pebrero 2014, nag-‘celebrate’ sina Pido at Eva ng Valentine’s Day sa Mall of Asia (MOA). Tinawagan ni Eva ang mister sa cellphone at pinasunod sa MOA kasama ang kanilang anak. Kumain sila sa isang ‘Italian Restaurant’. Nanuod ng Last Full Show sa sinehan at saka naglibot.
Ala una na ng makauwi ng Park Avenue sina Pido. Pinauna na nila ang anak sa taas, sa 8th floor. Habang umorder naman sina Pido ng tatlong tapsilog para i-deliver sa kanilang unit.
Paglabas ng ‘elevator’, narinig nila Pido na nag-aaway ang mag-asawang Kevin Batac, 20 anyos at Fritzie Icaro, 19 na taong gulang.
Nakaharang nun sa pinto nila Pido si Fritzie kaya’t sabi raw ni Eva, “Excuse me, papasok kami…”
“Anong pakialam ko?!” matigas na sagot daw ni Fritzie.
Nagulat ang mag-asawa sa naging reaksyon ni Fritzie. ‘Di na raw nila pinansin dahil may inuman daw nun sa pasilyo at parang lasing ang mga ito.
Pagkatok nila…ngumingising binuksan ng anak ang kanilang pinto. Papasok pa lang si Eva bigla na lang daw siyang sinabunutan ni Fritzie.
“Pinulupot niya ang kamay niya sa buhok ng asawa ko. Umawat ako pero ayaw niya bumitaw...” ani Pido.
Maya-maya sumigaw daw si Kevin, “Anong ginawa mo sa asawa ko?”
Naramdaman na lang ni Pido ang sunod-sunod na suntok ni Kevin sabay tinuhod pa siya sa mukha. Habang sinasabunutan daw ni Fritzie siyang tanggap naman niya ng mga suntok ni Kevin.
Nang makaporma si Pido at nakaganti nanakbo bilang pababa si Kevin. Tuluyan ring nakakalag si Eva sa pagkakasabunot nitong babae. Didiretso sana sa baba si Eva para humingi ng saklolo sa mga gwardiya subalit pababa pa lang siya nakasalubong na nito si Kevin na noo’y may hawak na umanong kitchen knife.
Nakita ito ni Pido kaya’t mabilis siyang pumasok ng unit at nagkandado ng pinto kasama ang anak.“Naiwan ko misis ko sa labas sa takot, sinalba ko na lang anak ko,” ani Pido.
Mga kalabog sa pintuan ang sumunod niyang narinig. Ayaw pa sanang pagbuksan ito ni Pido subalit ng narinig niya si Eva agad niya itong pinapasok.
Dalawang gwardiya na ng gusali ang rumisponde sa kanila at binilinan silang ‘wag ng lalabas ng unit at tatawag na sila ng pulis.
“Puro dugo na ang ilong ko nun. Ang bibig ko putok na… pati kaliwang mata…” pagsasalarawan ni Pido.
Nagwala na itong si Eva ng makita ang duguang mukha ng asawa.
“Bumaba na tayo. Humingi tayo ng saklolo!” sabi ni Eva. Maya-maya magkakasunod na katok ang muling narining nila Pido.
“Mga pulis ito… pagbuksan niyo kami,” sabi umano sa kanila.
Mabilis na hinawakan ni Eva ang door knob at balak ng buksan subalit pinigalan siya ni Pido.“ ‘Wag! Huwag! Huwag muna…” pag-aalangan ni Pido.
Nagmatigas si Eva at binuksan pa rin ito. Tanong ng lalaki kinilala daw nilang si Edgar Erice Jr. at dalawang ‘di nakikilala, “Saan dito si Pido?”
“Ako po!” sabi ni Pido habang nakatago sa likod ng asawa. Maya-maya pinasok siya ni Edgar at hinila palabas ng unit. Dito na umano siya pinagtulungan nila Edgar at isang Angelito Hernandez.
Inakbayan siya ni Edgar saka pinagsusuntok. Sa kaliwang pisngi at panga siya pinuruhan. Napahiga na siya subalit siya pa ring suntok daw ng mga ito.
“Hininitay ko na lang kung anong tatama sa’kin. Pumikit na lang ako.” wika ni Pido.
Bigla na lang may humila kay Pido, dito lang nagtigil ang pambubugbog.
Inawat sila ng isang ‘unit owner’ at ilang sandali dumating ang mga pulis subalit nakatakas na daw ang mga bumugbog.
Dumiretso sila sa Presinto 4 ng Pasay. Dinala siya sa Pasay City General Hospital para magpa-medico legal examination. Pagbalik sa presinto nakaranas pa siya ng matinding hilo kaya’t nagpadala siya sa San Juan de Dios.
Nagsampa ng Attempted Homicide si Pido laban kina Kevin, Fritzie, Edgar at 2 John Does. Nag-‘file’ naman ng kasong Physical Injury si Eva laban kay Fritzie at Grave Threat laban kina Kevin, Edgar at 2 John Does.
Sa ngayon for resolution na umano ang kasong finile nila Pido subalit nung huling hearing hinihingian sila ng Certificate to File Action (CFA) ng Prosecutor.
Ito ang dahilan ng pagpunta ni Pido sa amin. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ, (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Pido na ang mga kasong isinampa nila, dahil sila’y magkakasama sa iisang Barangay na nakaksakop sa Park Avenue ay kailangan talaga ng CFA. Karaniwan, sinususpende muna ang pag-iimbestiga at sinusunod ang kahilingan ng taga-usig. Kung hindi, ibabalik din naman ito sa brgy. para pag-usapan muna at subukan kung sila’y magkakaayos pa. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213784392, 09198972854, 09213263166. Landline 6387285 / 7104038.
- Latest