Magulong pulitika matapos pawalang-bisa ang DAP
KAHIT sino’ng mamamayan, pati si sinibak na Chief Justice Renato Corona, ay maaring magpa-impeach kay President Noynoy Aquino. Ito’y matapos ipasya ng Korte Suprema na unconstitutional ang presidential pork barrel na Disbursement Acceleration Program (DAP). Bawal ang paglipat-lipat ng pondong gobyerno, tulad ng P13 bilyon sa Kongreso mula sa kabuuang P157-bilyong DAP ng Ehekutibo.
“Matamis na higanti” ang pagpa-impeach. Si P-Noy mismo ang namuno sa pagsibak kay Corona nu’ng 2012 dahil sa milyon-milyong dolyar na unexplained wealth. Nasasakdal siya at pamilya ngayon ng tax evasion at kumpiskasyon ng yaman. Naghabla na sa House of Reps si Oliver Lozano, tulad ng ginawa niya sa lahat na ng Presidente.
Maari rin magpa-impeach dahil sa katiwalian at pa-nunuhol. Sabi nina Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla, suhol ang tig-P100-milyong lump sums nila mula sa DAP para i-convict si Corona nu’ng 2012. Walang mawawala kung tumestigo sila ngayon ng gan’un. Nakapiit sila, nililitis sa pandarambong ng kanilang congressional pork barrels. Si P-Noy din ang namuno sa pagsakdal sa kanila.
Mag-iingay ang mga mambabatas para sa impeachment. Pamamarisan ng Malacañang si noo’y-Presidente Gloria Arroyo. Mamumudmod sa kanila ng pera ng bayan para ibasura ang impeachment. Masasayang ang pagdulog ng mamamayan sa Korte Suprema laban sa congressional at presidential pork barrels.
Magagalit ang mamamayan. Baka silaban ng ilan ang Kongreso. Kapag arestuhin, igigiit nila ang “malinis na hangarin.” ‘Yan ding “malinis na hangarin” ang palusot ni Presidential spokesman Edwin Lacierda sa paglikha ni P-Noy ng DAP.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest

















