^

PSN Opinyon

‘Sa katok nagkatalo’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Tok-tok-tok…Mahina subalit magkakasunod na katok sa pinto ang gumising sa isang Pinay na mahimbing na natutulog.

“Akala ko si madam kaya binuksan ko agad pero isang malaking mama na nakaharang ang dalawang kamay sa pintuan ang bumulaga… si sir pala,” pagbabalik tanaw ni ‘Dorry’.

Ganito inalala ng 63 anyos na si Adoracion “Dorry” Espiritu ang umano’y sinapit sa among lalaki sa Oman 20 taon na ang nakakaraan.

Laking Pasig si Dorry. Dati siyang sapatero sa pagawaan ng sapatos sa Marikina. Dito niya nakilala ang dating kinakasama na si Eugenio Tomboc o “Enyong”—gumagawa rin ng sapatos. Ilang taon na ring mag-isa sa buhay si Dorry matapos mamatay si Enyong dahil sa ‘stroke’ nung taong 2007.

May unang pamilya si Enyong subalit hiwalay. Taong 1985 ng magsama sila ni Enyong. Nagkaroon sila ng dalawang anak.                

Taong 1990, nagdesisyon si Dorry na lumabas ng bansa para magtrabaho. Nag-‘apply’ siya RSI, Malate. Sa Salalah, Oman siya pumunta.

Dalawang taon ang kontrata niya. Ang kita niya 200US Dollars kada buwan.

Naiwan kay Enyong ang kanilang dalawang anak habang dalawang bata at isang sanggol naman ang inalagaan ni Dorry sa Oman. Anak ng mag-asawang sina Mubarak Mussalim Al Said, isang Omani National at si Janet Williamson, Canadian National. Pareho umanong nagtatrabaho sa International Security System ng gobyerno ng Oman.

Mabait daw ang mag-asawang amo kay Dorry yung nga lang mahilig umano sa babae itong si Mubarak. Nagsimula raw ang lahat nung minsang nasa kusina si Dorry, nilapitan siya ni Mubarak sabay tanong, “May I dance with you?”.

“Sabi ko, ‘I don’t know how to dance!’ Nagpumilit siya pero ‘di ako pumayag. Ano yung sasayaw kami sa kusina kaming dalawa lang?” ani Dorry.

Bagamat may mga pahiwatig at pasaring itong si Mubarak nakaya naman niyang umiwas dito dahil may asawa at pamilya ito.

Nag-‘extend’ ng isa pang taon si Dorry sa Oman. Taong 1993 buwan ng Hunyo, nagbakasyon si Dorry sa Pinas sa loob ng limang linggo.

Hulyo 1993, bumalik siya sa Oman para tapusin ang isang taong kontrata.

“Dito na siya nagsimulang kumatok sa pintuan ng kwarto ko,” sabi ni Dorry patungkol sa among lalaki.

Kalaliman ng gabi bandang 1:30AM, may kumatok sa kwarto ni Dorry. Inakala ni Dorry na amo niyang babae ito kaya’t agad niyang binuksan ang pinto.

“Akala ko may emergency. Akala ko si Madam, si sir pala!” ani Dorry.

Kwento ni Dorry, agad kinalso ni Mubarak ang dalawang kamay sa pinto.

“Sabi ko, ‘Why?’. Sagot niya, ‘How are you?’. Sabi ko ‘I’m slee­ping’,” sambit ni Dorry.

Sinubukan daw niya isara ang pinto subalit nagpulit si Mubarak at wala na siyang nagawa. “Hindi na ko nakapalag. Nagawa na niya ang gusto niya. Nagpaulit-ulit ito… isang beses sa isang buwan,” dagdag pa ng Pinay.

Halos isang taon daw ganito ang kalagayan ni Dorry. March 1994, hindi na siya dinatnan. Unang buwan pa lang daw sinabi na niya ito sa among lalaki.

“ ‘Wag ko raw sabihin kay madam. Kaya tumahimik lang ako,” pahayag ni Dorry.

Madalas masuka si Dorry. Napansin ito ng kanyang mga alaga at nagsumbong ito kay Janet. Kinausap siya ni Janet at sinabing ipapadoktor siya.

Bago pa ipa ‘check-up’ si Dorry, sinabi niyang pag-uwi sa Pinas hindi na siya babalik ng Oman. Ang nauna raw kasing plano, pag-uwi ni Dorry sa Pilipinas sabay ding magbabakasyon sina Janet sa Canada.

“Tinanong niya ko kung bakit ‘di na ako babalik, sabi ko family problem pero nung huli inamin ko na rin…sabi ko I’m Pregnant,” ani Dorry.

Mabilis na sagot ni Janet, “Who is father?”.

“Your husband!” pag-amin ng Pinay.

Namula ang mukha ni Janet sa sobra draw pigil ng galit nito sabay sabing, “Okay! Ready your things. Within 5 days you’ll be back in the Philippines.”

Pagkaayos niya ng mga gamit. Sinabi niya kay Mubarak na pauwi na siya ng Pinas. Binigyan daw siya nito ng 1,000 US Dollars.

“Sinabi ko na sa kinakasama kong si Enyong ang sitwasyon ko diniretsa ko siyang kung ‘di niya matatangap ang nasa tiyan ko umalis siya… pero nanatali si Enyong…” kwento ni Dorry.

Pag-uwi ni Dorry. Sumulat siya kay Janet at sinabing hindi pwedeng hindi sustentuhan ang bata. Nagpadala ng ATM Card si Janet. The Bri­tish Bank of Middle East, international ATM Card na account mismo nito. Dito na niya pinapadala ang sustento ng anak umano nila ni Mubarak, P5,000 kada buwan.

Sa loob ng 15 taon, nagamit ni Dorry ang ATM ni Janet hanggang masira na ang ‘magnetic stripe’ nito kakapasok sa ATM Machine.

Nitong buwan ng Nobyembre 2013, magwi-withdraw sana si Dorry. Nung ipinasok niya ang kanyang ATM Card iniluwa na lang ito.

Tinanong niya ang BPI, Pasig kung may magagawa ba sila para makapag-withdraw siya subalit sinabi sa kanyang kailangang sa banko mismo ng The British Bank of Middle East sa Oman manggaling ang bagong ATM.

Desyembre 2013, sumulat si Dorry kay Janet tungkol dito, wala siyang natanggap na sagot. Sumulat din siya kay Mubarak subalit wala ding nangyari.        

Fourth year college na ngayong darating na pasukan anak ni Dorry, kumukha siya ng kursong Business Administration. Ayaw niya mahinto sa pag-aaral ang anak dahilan ng pagpunta niya sa amin. Itinampok namin si Dorry sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN)

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil account ni Janet ang hawak na ATM Card ni Dorry at ang banko ay sa Oman dapat nga na dun manggaling ang bagong ATM Card.

Ang problema dito, mukhang wala ng balak makipag-usap ang dati niyang  amo kahit anong gawin niya at ilang beses na rin siyang sumulat ‘di sinasagot nito.

Hindi namin hinuhusgahan ang nangyari kay Dorry sa Oman su­balit nung unang gabing pinapasok daw siya ang kanyang amo at may nangyari sa kanila ilang beses ring naulit ito. Alam na niya kung ano ang kahihinatnan nito.

Susubukan namin humingi ng tulong mula sa ating embahada sa Saudi Arabia para maiparating kay Mubarak ang kahilingan ni Dorry na mapagpatuloy ang sustento nitong bata. Wala rin naman kasiguraduhang mapipilit namin itong lalaki. Aminado at taas kamay ang ating mga opisyales ng Department of Foreign Affairs na maski Pilipinong ayaw magbigay ng sustento  sa anak ay ‘di nila mapupwersa. Ano pa kaya kapag isang Omani ang tuluyan ng tinalikuran ang kanyang responsibilidad? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. Nais kong pasalamatan si Gerald Punzalan ng City Motors alabang para sa kanyang naitulong sa akin.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

 

vuukle comment

DORRY

ENYONG

JANET

KAY

MUBARAK

NIYA

OMAN

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with