EDITORYAL - Hindi mapigil na pagtaas ng gas
PARANG roller coaster na tumaas-bumaba ang presyo ng petroleum products. Ang kakatwa, mas malaki ang umento kaysa bawas presyo. Magtataas ng P1 at magro-rollback ng 40 o 30 sentimos. Ganito palagi ang nangyayari at tila wala na sa sistema ang pagtataas ng mga kompanya ng langis. Wala namang magawa ang Department of Energy (DOE) at pinababayaan na lamang kung ano ang gawin ng oil companies. Noon, napabalitang pagpapaliwanagin ng mga mambabatas ang mga kompanya ng langis at binantaang bubuklatin ang kanilang mga libro dahil sa hindi makataru-ngang sunud-sunod na pagtaas. Pero ang lahat nang ito ay pawang banta o porma lamang ng mga mambabatas. Walang nangyaring pag-iimbestiga. Naging tau-tauhan na rin lamang ang DOE sa walang patlang na pagtataas.
Noong Martes muli na namang nagtaas ng presyo ang petroleum products at mas matindi sapagkat P1.30 ang dagdag sa gasolina at P1.20 sa diesel. Ito ang pinaka-mataas sa loob ng ilang taon. Ang presyo ng gasolina sa kasalukuyan bawat litro ay P53 hanggang P54. Ayon pa sa report, magtataas din ng presyo ang liquefied petroleum gas (LPG) at pati ang kerosene. Ang pagtaas ng presyo ay dahil daw sa kaguluhang nangyayari sa Iraq.
Sa pagtataas ng presyo ng gasoline at diesel, nagbanta ang mga transport groups na hihingi sila ng P1.50 dagdag sa pasahe. Magiging P10 na ang minimum kapag inaprubahan ang kahilingan. Kamakailan lamang itinaas ang P8.50 na pamasahe.
Nagtaas na noong nakaraang dalawang linggo ang bigas. Nagtaas ng P2 bawat kilo. Yung dating P47 ay P49 na ngayon. Maraming mahihirap ang umiiyak sapagkat hindi na makasapat sa pambili ng bigas ang kanilang kinikita.
Nagbabala naman ang Meralco na magtataas sila ng singil ngayong Hulyo.
Ano pa ang tataas? Makaisip naman sana ang pamahalaan kung paano mapapagaan ang pasanin ng mga mahihirap. Nasaan na ang sinasabing pag-angat ng ekonomiya? Bakit walang maramdaman at sa halip, pagdurusa sa mataas na presyo ng bilihin ang tinatamasa?
- Latest