EDITORYAL - Krimen, pataas nang pataas, di-makita ang mga parak
LAGI na lamang ganito ang ginagawa ng mga pulis. Para bang hindi na sila natuto. Kapag may nangyaring krimen, patayan, pang-aambus, nakawan o holdapan, sa Metro Manila, agad nagpapakalat ng sandamukal na pulis sa kalye lalo sa gabi. Nagiging abala sila sa pagpara sa mga motorista dahil nag-setup ng checkpoints. May mga nakamotorsiklong pulis o mga SWAT na armado ng mga mahahabang baril. Mayroon pang paikut-ikot na mga police car sa mga madidilim na kalye.
Pero makalipas ang ilang araw o linggo, hindi na makikita ang mga ito. Burado na sa kalye. Wala nang nagpapatrulya at wala nang sumisita sa checkpoint. Nangyayari lamang ito kapag may nangyaring krimen o nakawan. Kapag lumamig na ang isyu, wala na sila. Lalabas uli sila kapag mayroong nangyaring karumal-dumal.
Dahil sa “bulok na sistema†ng PNP, maraming nagtatanong kung ligtas pa nga bang manirahan sa Metro Manila o kahit saang lugar sa gitna ng mga nangyayaring malalagim na krimen. Ginagampanan pa ba ng mga pulis ang kanilang tungkulin sa mamamayan na poprotektahan at pagsisilbihan? O wala na ito at ang pinagkakaabalahan nila ay kung paano mapupuno ang kanilang mga bulsa.
Sunud-sunod ang mga pagpatay. Pinatay ng riding-in-tandem ang international car racer na si Enzo Pastor sa kanto ng Visayas Avenue at Congressional Road sa Quezon City noong Hunyo 12. Hanggang ngayon, wala pang naaaresto sa mga killer. Pinatay din ang Cebu-based businessman na si Richard King sa Davao City at wala pa ring naaaresto.
Sabi ng Malacañang, paiigtingin na raw ng PNP ang pagpapatrulya sa mga kalye. Magiging visible na raw. Parang inamin na nga ng Palasyo na “inutil†ang PNP kaya maraming krimen ang nangyayari.
Nararapat magkaroon ng pagbabago sa PNP para magampanan ang tungkulin at hindi sinasaklot ng pangamba ang mamamayan. Panatilihin ang paÂgiging visible sa kalye at hindi kung kailan lang may nangyaring krimen saka magpapakita. Mahabag naman sa mamamayan lalo ang inaabot ng gabi sa kalye.
- Latest