Pakay ng bilangguan sana isakatuparan
TATLONG beses nang nagpalit ang P-Noy administration ng hepe ng Bureau of Prisons. At tatlong beses na ring may umalingasngas na anomalya sa pamamalakad nila sa ahensiya at sa pangunahing National Bilibid Prison. Nariyang nabisto ‘yung una na may “tong-pats†sa daan-milyon-pisong budget sa pakain ng mga bilanggo sa lahat ng kulungan sa buong bansa. Nariyang hinayaan ng pangalawa ang VIP quarters sa loob ng prisons compound ang mga mayayamang bilanggo, at nakakalabas pangmalimit para umuwi sa sariling bahay. Sa ilalim naman ng pangatlo nakakalabas ang mga pusakal na drug lords, kidnappers, at bank robbers para magpagamot sa mamahaling ospital, kung saan dinadalhan pa sila ng mga high-class prostitutes. Bukod pa ito sa pagkakaroon nila ng golf carts at e-bikes sa loob ng prisons compound.
Dalawa ang aspeto ng problema: Ang pakay ng pagbilanggo, at ang husay ng namamahala.
Binibilanggo ang convict bilang parusa sa krimen (retribution) at para maituwid ang landas (rehabilitation). Kapag may VIP treatment, nawawala agad ang dalawang pakay. Hindi nararamdaman ng convict ang parusa dahil sa karangyaan ng buhay-preso. At imbis na maituwid ang landas, lalo siyang nalululong sa kabulukan ng palakasan, suhulan, at panlalamang.
Ang dapat ipuwesto sa Bureau of Prisons ay ang nakakaintindi ng dalawang pakay nito. Siya ang magpapatupad ng karampatang higpit, pagkapantay-pantay, hustisya, seguridad, katahimikan, kaayusan, at pagbabalik-loob sa Diyos at sa normal na lipunan.
Itigil na sana ni President Noynoy Aquino ang pagtatalaga roon ng mga retiradong heneral na gutom sa pera at poder.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest