EDITORYAL - Huwag kahabagan, ang Chinese fishermen!
Dapat bang kaawaan ang mga sumisira at pumapatay sa lamandagat lalo pa’t hindi naman nila teritoryo ang kanilang tinatampalasan. Ganito ang ginawa ng 11 mangingisdang Intsik na hinuli ng Philippine Coast Guard noong nakaraang linggo sa Half Moon Shoal sa Spratly Islands, Palawan.
Pagkaraang hulihin at sampahan ng kaso ng Philippine National Police (PNP) agad nag-demand ang Chinese government na pakawalan ang mga inaresto nilang kababayan. Ano sila sinusuwerte? Pagkaraang lapastanganin ang katahimikan ng shoal at pagpapatayin ang mga pawikan at iba pang laman-dagat doon, may lakas pa sila ng loob na palayain ang mga tampalasan.
Sinampahan na ng kaso ng PNP ang 11 mangiÂngisdang Intsik dahil sa paglabag sa Republic Act 8550 (Fisheries Code) kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli ng endangered species. Bukod sa RA 8550, sinampahan din ang 11 mangi-ngisda ng paglabag sa RA 9147 (Wildlife Resources Conservation and Protection Act).
Nararapat lamang ang ginawa ng mga awtoridad na pagsasampa ng kaso sa mga mangingisdang Intsik na walang habas na nanghuli ng mga pawikan at iba pang lamandagat. Nang pasukin ng mga awtoridad ang barkong pangisda ng mga Intsik, nakita roon ang 555 pawikan na ang iba ay patay na at mabaho. Ang ilan ay naabutan pang kinakarne na ang mga pawikan. Ang natirang 177 ay naghihingalo na umano kaya pinilit maisalba sa pamamagitan ng pagbabalik sa dagat. Isa-isang pinakawalan ang mga pawikan samantang ang mga patay at nangangamoy na ay inihahanap pa nang mapaglilibingan.
Makaligtas man ang mga walang awang ma-ngingisda sa RA 8550 at RA 9147, hindi pa rin sila maÂkaÂkalusot sa pag-uusig sapagkat pumasok sila sa exclusive economic zone ng Pilipinas. Malinaw na pag-aari ng Pilipinas ang Half Moon Shoal sapagkat napakalapit nito (62 miles) mula Palawan samantalang 750 miles naman ang layo nito sa China. Dito makikitang pag-aari ng Pilipinas ang shoal.
Huwag kahahabagan ang mga mangingisdang Intsik. Itapon sila sa kulungan at hayaang mabulok doon katulad nang ginawa nila sa mga endangered na pawikan at iba pang lamandagat.
- Latest