^

PSN Opinyon

‘Markado’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MINSAN KA LANG mahuli at makasuhan dahil sa isang kaso, kahit maabswelto ka pa dala mo na ang bansag na iniwan nito pang habang buhay.

“May pinagkakakitaan ang kapatid ko. Ang trabaho niya ay isang tattoo artist. Bakit naman siya magtutulak ng droga?” giit ni Victor.

“Kuya sorry po sa malungkot na balita. Kung pwede po puntahan niyo si Kiko. Nakakulong po siya sa Police Station ng Cainta. Drugs po ang kaso, kailangan niya ng trenta mil hanggang bukas. Pag na-inquest na po siya mahirapan na po siyang makalabas. Baka po i-no bail siya. Inin-form ko lang po kayo,” mensahe mula kay Christopher Maturan.

Ika-28 ng Pebrero 2014 nang malaman ni Victor Deza, 45 taong gulang, nakatira sa Novaliches, Quezon City ang mensahe sa Facebook ni Christopher tungkol sa kanyang kapatid. Agad siyang nagtungo sa Cainta Lock-up Jail.

Nakita niyang nakakulong nga ang kapatid na si Enrico o mas kilala bilang Kiko.

“Hinanap ko ang arresting officer. Hindi siya nakauniporme at hindi niya rin ibinigay ang buo niyang pangalan,” wika ni Victor.

Napag-alaman ni Victor na lima ang orihinal na inaresto. Tanging ang kapatid na lamang ang natira.

“Nasa proseso kami na aayusin. Humingi ako ng tulong sa kaibigan kong pulis. Hiningian ako ng sampung libong piso papalayain daw ang kapatid ko,” ayon kay Victor.

Binilinan umano siya na bumalik kinagabihan ngunit hindi niya ginawa. Marso 1, 2014 na siya nang muling magpakita doon.

“Paso na raw ako ng araw kaya sasampahan na lang ng kaso ang kapatid ko,” wika ni Victor.

Tinanong din daw siya ng isang pulis kung magkano ang dala niyang pera. Limang libong piso ang dala niya nun, sinabihan umano siya ng mga ito na iwanan na ang pera at nangakong bababaan ang kaso.

Pinabalik-balik umano si Victor sa kulungan. Ayon sa kaibigan niyang pulis tila “Hulidap” umano ang naganap.

Hindi nagbayad si Victor dahil giit niya walang kasalanan ang kapatid kaya’t bakit siya magbibigay ng pera.

Nang muling magpakita si Victor doon ay nalaman niyang na-inquest na si Kiko. Kinasuhan siya ng Violation of RA 9165 (Comprehensive of Dangerous Drugs Act) Section 5 (pagbebenta ng droga) at 11 (Posession na siya’y may hawak na illegal na droga).

Ayon sa salaysay ng pag-aresto nina PO2 Elmer C. Daria at PO1 Raffy Sagat, alas singko ng hapon ng Marso 1, 2014 habang sila’y nasa himpilan ng pulisya ng Cainta dumating ang isang ‘impormante’ tungkol sa transaksiyon sa illegal drug sa labas ng bahay ng isang alyas Rico.

Ipinaalam nila ito sa kanilang hepe na si P/Supt. Cosme A. Abrenica na nag-utos sa kanila na magpunta sa lugar.

Pumuwesto si PO1 Sagat kasama ang isang impormante sa kalapit na kalsada kung saan tanaw nila ang harap at gilid ng nasabing suspek. Nakita umano nila ang isang lalaking nakasuot ng puting t-shirt at black short pants na nakatayo sa nasabing bahay. Kinilala ito ng kanilang impormante na si alyas Jojo Mata,  isa sa mga iskorer (drug buyer).

Ilang minuto ang nakalipas may nagbukas ng gate at lumabas ng bahay ang naka t-shirt na abuhin na kinilala ng impormante na si alyas Rico. Dali-dali nitong pinuntahan si alyas Jojo Mata.

“Palihim akong lumapit at nakita ko na humigit kumulang apat na metro mula sa akin na may hinugot itong si alyas Rico mula sa kanyang bulsa,” ayon kay PO1 Sagat.

Isang malinaw na sisidlan na naglalaman ng mala-kristal na pinaghihinalaang shabu at iniabot umano sa kausap na si alyas Jojo Mata.

“Bago pa man akmang iaabot ng nasabing ‘poseur buyer’ ang pera ay agad kong hinawakan si alyas Rico na nagtatangka pang lilihis papasok sa kanyang bahay. Nagpakilala akong pulis,” salaysay ni PO1 Sagat.

Nakuha ni PO1 Sagat sa bulsa ni alyas Rico ang isang malinaw na plastik na may lamang mala-kristal na bagay. Nang tanungin ni PO1 Sagat ang pangalan nito sinabi nitong siya si Enrico Deza.

Si alyas Jojo Mata naman ay mabilis na nakakilos at tumakbo papunta sa madilim na eskinita. Sinubukan humabol ni PO2 Daria pero ito’y nakalayo na.

“Alam ng aming impormante kung saan pupunta si alyas Jojo Mata kaya nagsagawa kami ng hot pursuit,” ayon kay PO2 Daria.

Nagtungo sila sa Brgy. San Isidro at natiyempuhan nila ang papatakas na si alyas Jojo Mata na palinga-linga at naglalakad patungong Kabanalan, Karangalan Village.

“Kasama ng iba pang operatiba bumaba kami ng pribadong sasakyan at agad ko siyang nahawakan at nagpakilala akong pulis,” salaysay ni PO2 Daria.

Nakuha umano ni PO2 Daria sa kanang kamay ni alyas Jojo Mata ang isang plastik na hinihinalang shabu ang laman.

Juanito Zabanal Jr. ang buong pangalan ni @Jojo Mata. Dinala nila ang mga naaresto sa presinto at binasahan ng kanilang mga karapatan.

“Ayon sa nakausap ko plantsadung plantsado raw ang dokumento. Mahihirapan daw kaming resolbahin ito,” wika ni Victor.

Lumapit din sa Public Attorney’s Office (PAO) si Victor upang humingi ng tulong. Humanap sila ng butas na maaari nilang pagsimulan para sa ikalilinaw ng lahat.

Nagbigay ng salaysay na sulat-kamay si Kiko kung ano ang naganap nung araw na yun.

Nakasaad dito na noong Pebrero 26, 2014 bandang alas dos y medya ng hapon nang pumasok umano ng walang pasabi at pahintulot ang apat na armadong lalaki na nagpakilalang pulis at isang nagpakilalang driver.

“Hindi sila nakauniporme at wala silang dalang warrant of arrest,” salaysay ni Kiko.

Pinadapa umano silang lima, sina Christopher Maturan, Noel Ong, Arvin, Claire Tolentino at Alvin Palcondez. Kinuha umano ng mga ito ang kanilang cell phone, wallet at pera sabay sabing “raid!”

“Hinanapan nila kami ng drugs at mga gamit tulad ng foil. Sabi ko wala kami nun. Pwede silang maghanap pero hindi kami naggaganun,” ayon kay Kiko.

Sinuntok umano siya at sinipa ng isang pulis sa dibdib. Halagang Php3,200 umano ang nakuhang pera sa kanya.

ABANGAN ang karugtong ng pitak na ito sa BIYERNES, EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

ALYAS

DARIA

ISANG

JOJO MATA

KIKO

RICO

SIYA

UMANO

VICTOR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with