EDITORYAL - Proteksiyunan ang mga manggagawa
TAUN-TAON ay ipinagdiwang ang Araw ng Paggawa pero nauuwi ito sa Araw ng Pagngawa sapagkat maraming hinihingi ang manggagawa sa pamahalaan. Una na ang sapat na suweldo at ang magandang kondisyon o kalagayan sa kanilang pinagtatrabahuhan. Subalit ang kahilingan ay hindi maibigay ng pamahalaan. Kamakalawa, sinabi ni President Aquino na hindi magkakaroon ng increase sa suweldo para sa mga government employees. At kung ang gobyerno ay hindi makakapagbigay, mas lalo namang hindi ang pribadong sector. Panakot ng pribadong sector, magsasara sila kapag nagbigay ng increase. At pipiliin na lamang ng mga manggagawa kundi ang manahimik sa hinihiling na increase.
Ang lubhang nakakaawa ang kalagayan ay ang mga manggagawa na niloloko ng kanilang employer na kahit sobra-sobra na sa oras ang pagtatrabaho ay hindi binabayaran ng overtime. Below sa minimum pa rin ang kanilang sinasahod. Sa National Capital Region (NCR) ang minimum wage ay P466 bawat araw. Kung mababa pa sa P466 ang pasahod sa mga trabahador sa pabrika, paano pa mabubuhay ang pamilyang may dalawang anak? Lalo pa’t ngayon ay tumaas ang bilihin dahil sa linggu-linggong pagtataas ng gasolina.
Nirereklamo rin ngayon ang sistemang conÂtractualization na ipinatutupad ng mga kompanya at establishment. Kapag naka-anim na buwan na ay papalitan na dahil tapos na ang kontrata. Lugi ang mga manggagawa sapagkat hindi sila ipinagbaÂbayad ng SSS, Pag-IBIG at Philhealth.
Nakakaawa rin naman ang kalagayan ng mga batang manggagawa sa bukid, minahan, asinan, pabrika, construction. Nasa edad lima hanggang 17 ang mga batang manggagawa. Ayon sa National Statistics Office (NSO), nasa 5.49 milyon ang mga batang manggagawa sa bansa. Mula lima hanggang siyam na taong gulang ay nag-aaral pa ang mga bata (mga 90 percent) subalit habang tumatagal ay nababawasan na ang kanilang bilang.
Proteksiyon ang kailangan ng mga manggagawa at nararapat na tingnan ang kanilang kalagayan. Kung hindi mabibigyan ng increase, pagaanin naman ang kanilang pamumuhay sa pagkakaloob ng mga benepisyo. Siyasatin ang sunud-sunod na pagtaas ng langis.
Maawa sa mga manggagawa sapagkat sila ang gulugod ng bansa.
- Latest