EDITORYAL - I-drug test ang mga bus driver
WALA nang mandatory drug testing para sa mga driver kapag kumukuha ng driver’s license at ito marahil ang dahilan kaya kahit lango sa shabu ay maaari nang magmaneho. At ang resulta nang pagmamanehong naka-shabu ay pagkahulog ng sasakyan sa bangin, pagsadsad sa gitna ng expressway, pagbangga sa kasalubong na sasakyan, pagbangga sa punongkahoy o poste at marami pang malagim na pangyayari. Kadalasan, mga pasahero ang namamatay at hindi ang driver na naka-shabu.
Sa mga sunud-sunod na trahedya na kinasasangkutan ng mga sasakyan, particular ang mga pampasaherong bus, dapat mag-utos ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-drug test ang lahat ng bus drivers. Malaki ang aming paniwala na mula nang alisin ang Land Transportation Office (LTO) ang drug testing para sa mga kumukuha ng driver’s license, nagkaroon nang pagkakataong makapag-drive ang mga gumon sa illegal na droga.
Isang halimbawa ay ang bumaliktad na bus sa SLEX noong Martes ng umaga na malubhang ikinasugat ng 20 pasahero. Isa sa mga pasahero ang naputulan ng braso. Nakunan ng CCTV ang pagbaliktad at pagsadsad ng Southern Carrier Bus sa gitna ng expressway. Mabuti at walang sasak-yang nabangga ang bumaliktad na bus kung hindi ay baka marami ang namatay. Tumakas ang driver ng bus at hinahanap ng pulisya.
Nang inspeksiyunin ang driver’s seat, nakita roon ang mga bote ng beer at drug paraphernalia. Hinihinalang lasing sa alak at shabu ang driver. Nadiskubre rin na hindi tugma ang chassis number ng bus sa rehistro nito.
Dinala sa mga ospital ang mga nasugatang pasahero. Ang masakit, hanggang sa sinusulat ang editorial na ito, wala pang tulong na ibinibigay ang pamunuan ng Southern Carrier Bus. Umiiyak ang babaing naputulan ng braso sapagkat siya lamang ang nagtatrabaho sa pamilya.
Noong nakaraang Sabado ng umaga, tatlong bus ang nagkarambola sa Philcoa, Quezon City. Nasa 20 pasahero ng mga bus ang nasugatan. Pawang sa ulo at mukha ang kanilang sugat sapagkat tumama sa bakal na upuan. Nasa impluwensiya raw ng droga ang mga driver ng bus.
Naniniwala at sumasaludo kami sa kakayahan ni LTFRB chairman Winston Ginez. Alam namin na kaya niyang ituwid ang mga maling ginagawa ng bus company. Sana, ipag-utos niya sa mga bus company na isailalim sa drug testing ang kanilang iha-hire na drivers. Kung pawang lango sa droga ang drivers, nasa panganib ang commuters.
- Latest