Intriga sa PNP
NANG mahuli si Globe Asiatique president Delfin Lee sa lobby ng Hyatt hotel sa Ermita, Manila nalagay sa kontrobersiya si dating Task Force Tugis chief Sr. Supt. Conrad Capa. Ayon sa abogado ni Lee, illegal umano ang pagkaaresto dahil may motion na ang Court of Appeals. Ngunit pinanindigan ito ni Capa dahil may bisa pa umano ang warrant of arrest na ipinalabas ng San Fernando, Pampanga Regional Trial Court. Kaya hayun naghihimas ng malamig na rehas si Lee sa Pampanga provincial jail, samantalang si Capa ay pinatapon sa Cebu matapos masapawan ang ilang nakapatong este nakatataas sa kanya.
Naglagatikan ang mga ngipin ni Capa sa ngitngit dahil maging ang pangarap niyang maging general ay napurnada sa bago niyang assignment. Kaya maraming kuro-kuro ang ilang opisyal sa Crame sa naging kapalaran ni Capa at ang sinisisi nila ay si PNP chief Dir. General Alan Purisima. Bakit nga naman ipinatapon pa si Capa sa Cebu kung talagang promotion ang iginawad sa kanya? Oo nga naman, ang daming bakanteng posisyon sa Metro Manila na over qualified si Capa. Di ba mga suki!
Ang masakit nito paano pa masusungkit ni Capa ang estrella na matagal na niyang pangarap gayong sa 2016 ay magreretiro na siya sa PNP. Kaya tuloy ang simpatiya ng ilang opisyales sa Crame ay kay Capa nga. Sa ngayon, ilang grupo ng mga opisyales ng PNP ang nag-iingay na mapatalsik si Purisima sa puwesto, ngunit mukhang pangarap lamang ito dahil kasanggang dikit siya ni President Aquino.
Kaya tuloy naglalabasan ang ilang intrigang isyu kay Purisima katulad ng “Werfast†sa Firearms and Explosives Office. “The Werfast issue earned the ire of the millions of firearms holders since the courier service firm uses another courier service to deliver the card licenses for much higher fee†ayon yan sa nalathala sa diyaryo. Dagdag pa rito ang katalinhagaang proseso sa Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG) pag-alis kay Globe Asiatique president Delfin Lee sa most wanted persons ng bansa.
At itong pinakahuling kautusan sa mga pulis na bawal na ang pagpa-interviews sa crime scene sa reporters. Hehehe! Ngunit dismayado rito ang ilang mga biktima ng mga kriminal dahil tila pagtatakip lamang ang kautusan ni Purisima sa semplang na serbisyo ng mga pulis sa taumbayan. Kasi nga habang itinatago sa media ang lahat ng kaganapan sa bayan lalo lamang lumalala ang kriminalidad sa bansa. Kung sabagay may katwiran si Purisima na itago ang kaganapan sa kapaligiran dahil sa hanay ng PNP ay masalimuot din ang nangyayari. Ewan ko lang kung kailan magpapasya si P-Noy na balasahin ang PNP nang mawala ang intriga. Abangan!
- Latest