Tama lang na may bagong eroplano ang PAF
MATUTULOY na ang pagbili ng 12 eroplanong pandigma sa South Korea. Matapos ang ilang buwang negosasyon, matutuloy na ang pagbenta ng 12 FA-50 fighter jets. Matapos ang ilang dekada kung saan ang Philippine Air Force (PAF) ang pinakamahina sa buong Asya, magkakaroon muli ng ngipin ang air force. Ngayon lang makakabili muli ang bansa ng bagong eroplano para sa PAF. Kadalasan, mga segunda manong eroplano na inayos lang ang natatanggap. Kaya pagkalipas ng panahon, masisira muli, aayusin hanggang sa hindi na magamit. Gaya nang nangyari sa F-5 Freedom Fighters natin.
Natutuwa ako para sa PAF. Para sa mga hindi nakakaalam, ang PAF ang unang hukbong himpapawid sa timog-silangang Asya na nagkaroon ng mga supersonic na eroplano. Tayo ang kinatatakutang air force noong dekada 50 at 60. Tayo rin ang may pinakamagagaling na piloto sa rehiyon. Nagbago lahat iyan pagpasok ng dekada 70. Wala nang nabiling bagong eroplano, kaya gamit na gamit ang mga F-5. Pero tulad ng lahat, naluluma rin ito. Nagsimula ang mga aksidente, hanggang sa hindi na mapakinabangan.
Sigurado ako sabik ang mga piloto nating mapalipad ang bagong FA-50. Dadaaan muna sila sa matinding pagsasanay sa South Korea para mapalipad ang FA-50. Hindi biro ang bilis ng eroplano, kaya kailangang magsanay nang matindi. Malayo ito sa mga S-211 at OV-10 na baka nakasanayan nila. Dito makikita kung maibabalik ang dating kabantugan ng PAF.
Tiyak na makakarinig muli tayo sa China sa pagbili ng mga eroplanong ito. Sasabihin nila na tayo ang nagha-handa sa isang digmaan. Ang gusto kasi nila ay sila lang ang malakas na puwersang militar sa Asya. Noong bumili tayo ng mga bagong barko, umalma sila. Kaya sa pagbili ng mga eroplanong ito, tiyak aalma na naman sila. May karapatan tayong ipagtanggol ang ating teritoryo. Tama lang na may mga bagong eroplano ang PAF.
- Latest