NPA-free? Baka LPA-free!
DAHAN-DAHAN naman sa pagyayabang. Heto nga at sinabi ni Maj. Gen. Ariel Bernardo kamakailan lang na NPA-free na raw ang limang lalawigan na kinabibilangan ng South Cotabato, Sarangani, Davao Oriental, Davao del Sur and Davao Occidental.
Huh? Anong wala nang New People’s Army sa mga nasabing lugar? Eh, noong isang araw nga lang ay namatayan ng apat na rebelde at isang sundalo sa engkuwentro sa bayan ng Manay, Davao Oriental.
Taliwas ito sa sinabi ni Bernardo na NPA-free na ang nasabing area. Baka LPA-fee pa nga dahil katatapos lang ng Low Pressure Area (LPA) na kung saan isa ang Davao Oriental sa natamaan sa hagupit ng nasabing sama ng panahon. Anim nga na tulay ang nasira na humiwalay sa ilang bayan sa silangan na bahagi ng lalawigan.
Mahirap magyabang. Ang problema pa nito ay baka paniwalang-paniwala naman ang ating mga AFP officials, kasali na si Bernardo, sa sarili nilang propaganda na naging gospel truth na sa kanila dahil sa paulit-ulit na pahayag nito.
Magpakatotoo naman kayo sa AFP. Sinabi ninyo noong 2009 na nakikita na ninyo ang pagkatalo ng NPA sa darating na 2010. Ano na ngayon? 2014? Ngunit hindi pa rin nawawala ang NPA.
Alin kaya ang mas maigi kung ipa-abolish na lang ang 10th Infantry Division at ang Armed Forces Eastern Mindanao Command (Eastmincom)? Di ba kaya lang naitayo ang mga nasabing unit ng Armed Forces of the Philippines noong 2006 ay dahil sobra-sobra ang bilang ng mga opisyales nila at wala ngang paglalagyan ng mga excess na generals, colonels at iba pang ranks.
Nabuo noon ang 10th ID at Eastmincom kahit nga kulang sila sa required number of troops in terms of battalions and brigades. Pinagpatuloy pa rin ng AFP ang isa pang layer ng command dito sa katimugan gayung sapat na ang dating Southern Command (Southcom) noon. Talagang pinagpilitan na itatag ang 10th ID at Eastmincom na pinagbubunyi naman ng mga walang patutunguhang generals noon.
Ano ngayon ang resulta? Kung ang pagbabasehan ay ang gauge ng AFP na number of enemies killed at number of arms seized, tiyak panalo ang NPA niyan at talo ang AFP.
At heto ang isang opisyal na katulad ni Bernardo na pinagsasabing NPA-free na raw ang nasabing limang probinsiya.
Sir, baka maniwala po kayo sa sarili ninyo.
- Latest