NBI mahina sa arithmetic
MAHUSAY na sana ang pag-i-isyu ng National Bureau of Investigation clearances nang ipahawak ito sa private outfit sa shopping malls at city halls. Tulad ng pagkuha ng passports, at professional at drivers licenses, napabilis ang proseso. Kaya malaking kabaliwan nang akuin muli ng NBI personnel ang pag-i-isyu. Dahil sinentro nila sa headquarters sa Manila ang issuance, nagkagulu-gulo. Nilimita sa 250 katao araw-araw ang pinoprosesong clearances, pero hindi pa rin nila ito nakayanan. Ang haba tuloy ng pila hanggang sa kalye sa labas ng NBI compound.
Hindi ba marunong magkuwenta ang NBI? Halimbawa: ilagay na lang sa 40 milyon maski mas marami pa riyan ang labor force. Isipin na 10% o 4 milyon ang walang trabaho, at kalahati o 2 milyon ang naghahanap. ‘Yan ang mga mangangailangan ng NBI clearances, bukod pa sa ibang aplikante.
Ngayon, i-divide ang 2 milyon job seekers sa 365 araw sa taon na dapat mag-process ng NBI clearances. Lalabas na 5,480 ang dapat maisyu araw-araw, kasama ang Linggo at holidays. I-divide naman ang 5,480 sa 250 clearances na kayang ipalabas ng isang outlet, tulad ng NBI headquarters. Lalabas na 22 outlets ang kailangan sa buong bansa.
Pero siyempre mas maraming job seekers sa KalakÂhang Maynila. At ito ang rason kung bakit meron nga dating 63 satellite offices ang NBI sa shopping malls at city halls sa rehiyon.
Siyempre nag-bottleneck nang itigil ang kontrata ng private firm nu’ng simula ng taon. Anang NBI, mas magagamit nila sa operations ang P60 milyong taunang service fee ng private outfit. Maling solusyon ‘yon. Dapat humingi sila sa gobyerno ng dagdag na operations budget, mula sa mahigit P500 milyong kinikita sa NBI clearances.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest