Si Kim Henares ang pinaka-kampeon ko hindi si Pacman
ANG ugat ng kahirapan at kriminalidad ay walang iba kundi ang malawakang katiwalian (massive graft and corruption). Dahil sa malawakang katiwalian, dumarami ang walang trabaho at lalo pang naghihirap. Ang pera na dapat itinutustos para gumawa ng mga imprastraktura na lilikha ng milyun-milyong trabaho ay binubulsa ng mga tiwalang kawani ng gobyerno at kasabwat nila sa pribadong sektor.
Dahil sa kawalan ng mga legal na hanapbuhay, marami sa ating kababayan na likas naman sanang mga law-abiding ay napipilitang gumawa ng ibang paraan na hindi ayon sa batas para mabuhay lamang ang sarili at ang mga mahal sa buhay. Kumakapit sila sa patalim. Ang iba naman ay tinitiis ang kahirapan at kapaitan ng nahihiwalay sa pamilya para kumita sa ibang bansa.
Ayon sa World Bank at IMF, 30 percent ng pambansang budget ay ninanakaw ng mga corrupt. Kaya pasalamat tayo sa mga katulad ni President Noynoy Aquino at BIR Commissioner Kim Henares na mga walang sinasanto kapag ang paniningil ng tamang buwis ang pinag-uusapan. Humahanga ako kay Manny Pacquiao dahil sa malaking sense of pride at karangalan na ibinibigay niya sa sambayanang Pilipino. Pero hindi makakain ang mga iyan Mr. Congressman. Magbayad ka ng tamang buwis. Huwag ka nang magpalusot.
Sa labang Pacquiao versus Henares, hindi ako malulungkot kung ma-TKO ni Henares si Pacquiao nang sa gayun ay milyun-milyong mga trabaho ang maililikha ng mga bilyun-bilyong mga buwis na sa aking palagay ay di niya pa binabayaran. Mabuhay si P-Noy, Henares at iba pang mga kampeon natin sa paglilingkod sa bayan tulad ni House Speaker Sonny Belmonte, DSWD Secretary Dinky Soliman, DPWH Sec. Rogelio Singson, DOJ Sec. Leila de Lima, Cabinet Sec. Rene Almendras, MMDA Chief Francis Tolentino, at iba pa.
- Latest