EDITORYAL - Hindi nawawalan ng pag-asa
HANGANG-HANGA ang foreign volunteers na nagtungo sa Tacloban City makaraang manalasa ang Super Typhoon Yolanda noong Disyembre 6, 2013. Sabi nila, sa kabila raw ng kalunus-lunos na sinapit ng mga taga-Tacloban at iba pang lugar sa Eastern Visayas, nakangiti pa rin ang mga tao roon na para bang balewala sa kanila ang sinapit. Bakas daw sa mga mukha ng mga biktima ni Yolanda na mayroon pang malaking pag-asa. Hindi raw namamatay ang pag-asa sa kabila na sinira at tinangay ng bagyo ang kanilang tahanan at mga ari-arian. Sa kabila raw na mayroong kaanak na namatay at hindi pa nakikita, bakas pa rin sa kanila ang pagkakaroon ng pag-asa. Babangon sila at magsisimulang muli. Mahigit 6,000 ang namatay sa Yolanda.
Ganito rin naman ang nakita sa mga biktima nang malakas na lindol (7.2 magnitude) sa Bohol noong Oktubre 15, 2013 na marami rin ang namatay at nagwasak sa maraming bahay, gusali at mga lumang simbahan. Sa kabila na wala na silang matirahan, bakas pa rin naman sa mukha ng mga taga-Bohol ang malaking pag-asa na muli silang makakaba-ngon at maitatayo ang mga bahay na sinira ng lindol. Hindi namamatay ang kanilang pag-asa kahit pa niyanig sila nang malakas na lindol. Buhay na buhay ang kanilang paniwala na sa kabila ng trahedya ay mayroong bagong pag-asa.
Malaki rin ang pag-asa ng mga residente ng Zamboanga City makaraang gulantangin sila ng mga putukan noong Set. 9, 2013. Nilusob ang kanilang lugar nang may 200 tauhan ni dating MNLF chairman Nur Misuari at hinostage ang mga sibilyan. Maraming bahay at gusali ang nasira dahil sa tama ng bala. Nag-evacuate ang may 100,000 katao para hindi madamay sa labanan. Tatlong linggo ring nagkaroon ng labanan. Mahigit 10 ang namatay. Naaresto ang mga tauhan ni Misuari. Muling nagbalikan sa kanilang mga nasirang bahay ang mga residente at sinimulan nilang itayo. Hindi sila nawalan ng pag-asa kahit napulbos ng bala ang kanilang tahanan at nagdulot nang malaking takot sa kanila.
Maraming humahanga sa mga Pinoy dahil sa laki ng paniniwala at pag-asa sa kabila ng trahedya. Kahit na hampasin ng hangin, yanigin ng lindol at ratratin ng bala, hindi nawawala ang kanilang positibong pananaw na lilipas din ang lahat at sisilay muli ang sinag ng pag-asa.
Mapayapang Bagong Taon sa Lahat!
- Latest