Modus: Taxi air freshener
BABALA ito sa mga babaing sumasakay ng taxi. Lalong nagiging agresibo ngayon ang mga nagpapanggap na taxi driver na pagala-gala sa lansangan at naghahanap ng mabibiktima.
Kung pisikal na katangian ang pagbabasehan, wala silang pinagkaiba sa mga disenteng taxi driver na nag-aabang ng mga pasahero. Sa paimbabaw nilang hitsura at magandang loob, nagtatago ang maitim nilang balak.
Nitong nakaraang linggo, nabulilyaso ang plano ng isang matandang drayber na nagmamaneho ng Tricon taxi. Ito ay matapos makaramdam ng pagkahilo at pagkamanhid ng buong katawan ang 18 taong gulang na estudyanteng pasahero.
Ayon sa biktima, bandang 6:45 ng gabi habang binabaybay nila ang kahabaan ng Amang Rodriguez Avenue, nalanghap niya ang kakaiba at masangsang na amoy mula sa air freshener ng kotse. Lingid sa kaalaman ng biktima, unti-unti na siyang nilalason ng suspek na pasimpleng nagtatakip ng basang face towel sa kanyang ilong.
Dahil sa kakaibang pakiramdam, alertong pinara ng pasahero ang sasakyan. Subalit, sa halip na ihinto ng suspek ang taxi, pinaharurot pa nito ang kotse at pinigilang makatakas ang biktima.
Eksakto namang nagpapatrulya ang mga barangay tanod sa lugar at agad naispatan ang drayber na kahina-hinala ang ikinikilos. Narekober ng mga awtoridad sa suspek ang ginamit na face towel at botelya ng mineral water na pinaglagyan ng nakakalasong kemikal.
Marami na ang nabiktima ng modus na ito gamit ang air freshener. Bukod sa panghoholdap, nauuwi pa sa pangmomolestiya at panggagahasa.
Maging alerto sa lahat ng pagkakataon lalo na sa gabi at nag-iisang sumasakay ng taxi. Ugaliing ipaalam sa inyong kapamilya, kakilala at kaibigan ang pagkakakilanlan ng taxi na inyong sinasakyan.
Hanapan din muna ng identification card ang drayber at pabuksan ang car trunk o likurang bahagi ng taxi bago sumakay. Kapag tumanggi ang drayber, magduda na kayo. Kayo na ang susunod nilang target!
- Latest