^

PSN Opinyon

‘LAS PIÑAS MURDERS’ (Huling bahagi)

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

HINDI basta makapaniwala ang mag-asawang Moreno na pagnanakaw lang ang motibo sa brutal na pagpatay sa anak na si Edralin Adriano o “Ed”.

“Wala akong kilalang kaaway ni Ed… napakabait ng anak kong yan!” saloobin ng inang si Editha.

MAGKASUNOD namin sinulat, ang kalunos-lunos na sinapit ni Ed, 38 anyos, co-owner/CEO ng ‘Call Center’ na Tech Support Global sa Alabang.

Ika-6 ng Setyembre 2013, tanghali bumisita si Editha sa opisina ng anak sa Business Park. Kinagabihan, bago mangyari ang krimen magkasamang kumain si Ed at kapatid na si Rose Anne. Sinabi niya kay Ed na matutulog.

Tumanggi raw si Ed, “ ‘Wag na muna…maalikabok ang bahay.”

Ito na raw ang huli nilang pag-uusap.

Kinaugalian na namin sa pagsulat sa aming pitak sa “CALVENTO FILES” na kunin ang magkabilang panig ng istorya at lahat ng may kaugnayan dito.

Sa kaso ni Ed lumapit sa amin ang ilang tauhan niya sa kumpanya at hiniling na baka maaari akong makatulong sa kaso. Hindi nagtagal at mismong mga magulang ni Ed na sina Ronnie at Editha Moreno ang pumunta sa amin upang humingi ng tulong. Hindi sila naniniwala na ang dinampot na si Ricardo Robles alyas “Rekrek” lamang ang may gawa nito.

Sa aking paglalahad ng mga bagay na aking natutuklasan, isinisiwalat ko ang katotohanan at hindi sinasang-ayunan ang isang panig kahit meron akong nakikitang mali at magbulag-bulagan na lamang.

Inilapit ko ang kasong ito sa grupo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa mismong Chief of Staff ng Director ng CIDG na si P/Senior Superintendent Rudy Lacadin.

Agad itong nagbuo ng ‘team’ kabilang ang dalawang beteranong imbestigador at inatasan ang CIDG-NCR para magtulong-tulong sila sa kaso.

Dahil wala naman ibinigay na pabuya na tulad ng P2.5Milyon, kinailangan kong kausapin ang ating mga kapatid sa ‘media’ sa pa­ngunguna ni Korina Sanchez ng Rated-K at itinampok agad sila sa kanyang programa.

Si Jasmin Romero ng TV Patrol itinampok din ito dahil tila wala ng ‘development’ ang kaso.

Matapos dakpin itong si Rekrek tumigil na ang pulis Las Piñas. Agad isinampa ang kaso laban sa hinuli nilang suspek na deretsahan kong masasabing “hilaw”. Anong klaseng ‘police work’ ang ginagawa ng Hepe ng Las Piñas Police na si P/Senior. Supt. Adolfo Samala?

Simple lang naman para masabing nalutas na ang kaso dahil meron ng suspek. Ang nipis ng ebidensya laban sa taong ito kung inyong susuriin.

Nag ‘follow-up’ ang TV Patrol. Nakausap ang may hawak ng kaso na si P/Senior Inspector Joel Gomez. Sinabi nito meron daw silang hinahanap na ‘at large’. Hinamon siya ni Jasmin na ilabas ang ‘Composite Cartographic Sketch’ ng isa pang suspek subalit tumanggi raw itong Senior Inspector Gomez na ilabas dahil baka masunog.

Hindi na nga ninyo mahanap yung tao tapos ayaw ninyo pang hu­mingi ng tulong sa mga mamamayan at baka sakaling meron makakilala dito at ituro siya sa inyo? Isang malaking katarantaduhan, o baka naman wala talagang ‘sketch’ gaya ng sinasabi mo? Ano ba talaga Gomez? 

Parehong araw at estilo ng pagpatay sa isang babaeng Advertising Senior Executive ang nangyari kay Ed. Wala lang ngang pabuya. Mabilis na nalutas yun subalit sila lang ba talaga? Ang pamilya ng biktima ay hindi naniniwala na mga pipitsuging ‘holdaper’ lamang ang may kagagawan nito at sa pakiramdam ng marami merong ‘mastermind’ sa likod ng pagpatay.

Kinausap ko rin sina Mike Enriquez at Arnold Clavio ng GMA7 para muling buhayin ang balitang ito. Nasa abroad si Mike nung mga panahon na yun.

Maaring ‘guilty’ nga itong si Rekrek subalit ‘di niya magagawang nag-iisa ang lahat ng ito. Sinubukan namin kontakin ang Hepe ng National Capital Region ng PNP, si Chief Superintendent Marcelo Garbo subalit ‘di man  lang magbigay ng kortesiya ang Regional Director na ito na sagutin o mag ‘return call’. Baka nakalimutan mo P/RD Garbo ang pinauso na linya ng ating Presidente na, “Kayo ang boss ko.”. May mga katanungan ang mga kamag-anak at kaibigan ng biktima na baka naman pwede mong pakinggan at sagutin.

Halatang minadali ang pagsampa ng kaso dahil puro ‘circumstantial evidence’ ang inilatag ng pulis.

Pagdating sa Korte, posible na mahirapang makitaan ng tinatawag nilang ‘Beyond reasonable doubt to merit a conviction’ ang kaso dahil ito’y nakaugat lang sa ibinigay na salaysay ng isang brgy. tanod na nakapansin sa dalawang lalaki, 5:00 AM sa lugar ni Ed, subalit walang ginawa at ni ‘di man lang ito ipinagbigay alam sa kanyang barangay. 

Ang isang lolo na sinasabing dalawang beses nakita si Rekrek sa dalawang magkaibang pagkakataon, mga 7:00 ng umaga habang siya ay may kargang apo bago nangyari ang krimen. Gaano kagaling ba ang memorya ng mga taong ito at natatandaan nila ang lahat ng dumaraan sa kalye?

Sa ngayon ang pamilya at mga kaibigan ni Ed ang gumagawa ng paraan para makakalap pa ng ebidensya gaya ng pagkuha at pagbukas ng CCTV ng kapitbahay na dapat kayong mga pulis ang gumawa. Hindi ba nakakahiya sa inyo yan?

Isang maalam sa mga ganitong ‘gadgets’ mula sa opisina ni Ed ang sumubok na i- ‘crack’ ang CCTV ng kapitbahay, umaasa na may makikita sila dito subalit ‘di sila nagtagumpay na ito’y mabuksan.

Muli kong hiniling sa CIDG na kung maari ay magpadala ng isang grupo, dalubhasa mula sa Cyber Crime Division upang masubukang buksan ito.

Ang isang ‘circumstantial evidence’ ay walang timbang maliban na lang kung ito’y susuportahan ng isang pisikal na ebidensya (physical evidence).

Ayon sa suspek siya’y ‘di umano pinahirapan, tinorture, kinuryente (electrocuted) at tanging Panginoon lang ang nakaalam kung ano pang uri ng pananakit ang ginawa sa kanya upang pangalanan niya ang kanyang kasama.

Nakapanood ako ng mga taong dumadaan sa ‘tactical interrogation’ na may kasamang pananakit, kung paano sila sumuko at ituro ang kanilang kasama. Wala siyang ikinanta.

Sa dalawang ‘Heinous Crimes’ na nangyari sa Las Piñas. Ang mga taga dun ay doble ingat dahil hindi sila maprotektahan ng Las Piñas PNP.

Bakit hindi sibakin sa pwesto ang Chief of Police ng Las Piñas na si P/Senior Supt. Samala at maglagay ng magaling ng mamumuno para makatulog ng mahimbing ang mga taga dun? Hindi gaya ngayon, nasa loob ka na ng subdibisyon mo hindi ka pa rin ligtas.

Ang kaso ni Edralin Adriano ay dapat nagkaroon ng masusing ‘follow-up’  para makamtan naman ng kanyang pamilya ang tunay ng hustisya na kanilang inaasahan, P/Sr. Supt. Samala! (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. O Tumawag sa 6387285 / 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ISANG

KASO

LANG

LAS PI

REKREK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with