Hydrochlorothiazide: Murang gamot sa high blood
Dear Doc Willie, May altapresyon po ako at ang mainÂtenance ko ay Telmisartan na nagkakahalaga ng P50 bawat tableta. Hindi ko na po kaya bilhin ang gamot. Umaasa, John.
Dear John at sa ating mambabasa, may sekreto akong ipapahiwatig sa inyo. May isang mabisa at murang gamot para sa altapresyon na mabibili na sa Pilipinas. Ang generic nito ay tinatawag na hydrochlorothiazide o HCTZ.
Ang hydrochlorothiazide ay hindi bagong gamot. Ito ay may 30 taon ng ginagamit ng mga doktor sa buong mundo. Sa katunayan, noong nag-training ako sa America, ang propesor ko roon ay laging nagbibigay ng hydrochlorothiazide sa kanyang pasyente.
Mapapababa ng Hydrochlorothiazide ang inyong presyon sa dugo dahil isa itong diuretic. Ang diuretic ay nagpapaihi at nagtatanggal ng asin sa katawan. Ang asin ang nagpapataas ng presyon natin. Kaya sa mga maaalat kumain, lalo na ang mahilig sa patis, toyo at bagoong, bagay na bagay sa inyo ang Hydrochlorothiazide.
Kailan ba dapat uminom ng gamot sa altapresyon? Kung ang blood pressure n’yo ay higit pa sa 140/90, nangangahulugang may altapresyon na. Kailangan na ninyong mag-diyeta at malamang ay uminom ng maintenance na gamot.
Ang halaga ng isang tableta ng Hydrochlorothiazide 25 mg ay mga P5 lamang. Kadalasan ay kalahating tableta lang ay sapat na sa isang araw. Kung ganoon ay lalabas na P2 lang ang gastos n’yo bawat araw. Matipid, hindi ba?
Magtanong sa inyong doktor kung babagay sa iyo ang Hydrochlorothiazide. Pambihira ang ganitong gamot na mura at mabisa pa.
- Latest




















