EDITORYAL - Huwag turuang magalit ang taumbayan
NAKATUTOK at hindi bumibitaw ang taumbayan sa pagsubaybay kay Janet Lim Napoles at sa mga mambabatas na nakinabang sa pork barrel. Kahit pa nagkaroon nang madugong pagsalakay ang MNLF-Misuari group sa Zamboanga, hindi pa rin natitinag ang taumbayan sa isyu ng pork barrel. Kahit pa nagkaroon ng mga pagbaha, pananalasa ng bagyo, trahedya sa banggaan ng mga barko, hindi pa rin bumitaw ang taumbayan sa pagsubaybay sa imbestigasyon ng pork barrel scam. At kahit mayroon pa marahil na mangyaring kaguluhan at trahedya, ang pagsubaybay pa rin sa pork barrel scam na minaniubra ni Napoles ang patuloy na susundan. Gustong malaman ng taumbayan ang mga ginawa ni Napoles kung paano naibulsa ang pondo ng taumbayan.
Kaya maraming nagagalit kay Senate President Franklin Drilon sa ginagawa niyang patuloy na pagtanggi na pirmahan ang subpoena para kay Napoles. Paulit-ulit ang pakiusap ng Senate blue ribbon committee na pirmahan ng Senate President ang subpoena para mapadalo si Napoles sa senate hearing. Tanging ang mga whistle blower ang pinayagan ni Drilon na humarap sa pagdinig. Ang pagtanggi ni Drilon na padaluhin si Napoles ay dahil sa pagtanggi rin naman ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Hindi na raw dapat padaluhin ang “utak†ng P10 billion pork barrel scam.
Ang ikinilos ni Drilon na pagtangging huwag padaluhin si Napoles ay lumilikha nang maraming kuwento. Meron bang lihim na itinatago? Bakit kailangang pigilan niya ang pagdalo ng “utak†ng scam? Nagdadagdag din ito ng galit o poot sa taumbayan na nagsasawa na sa katiwaliang nangyayari sa gobyerno. Bakit hindi hayaang gumalaw o gumulong ang pag-iimbestiga sa iskandalong ito?
Huwag turuang magalit pa ang taumbayan. Ang sama-sama nilang galit ay kayang magpabagsak kahit nang pinaka-matibay na pader. Huwag hadlangan ang nais ng taumbayan na maiharap sa Senado ang utak ng scam. Matakot sa ngitngit ng mga nagbabayad ng buwis.
- Latest