Huwag idaan sa mambabatas ang pondo para sa mamamayan
Kung matutuloy ang balak na rally sa September 11 laban sa pork barrel. Sasama uli ako. Isa ako sa nakipagrally noong Agosto 26 sa Luneta. Mahigpit akong tumututol sa pork barrel at dapat na itong alisin. Hanggang ang pork barrel na ito ay laging kasama sa budget, walang katapusan ang corruption. Milyones ang halaga nito kaya talagang matutukso ang mga mambabatas. Magkano lang ba ang suweldo ng mga honorable na mambabatas na yan? Kapiranggot lang kaya naman kailangan nilang kunin ang pork barrel. Diyan lang sila nakakabawi sa napakalaki nilang ginastos sa election. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit marami sa mga mambabatas ang nagiging milyonaryo, iyon ang katas ng pork barrel. Hindi nakapagtataka kung bakit napakarami ang naghahangad na kumandidato. Dahil iyan sa pork barrel. Kaya marami ang nakikipagpatayan sa pagkandidato ay dahil sa napakalaking pork barrel.
Sa halip na ang pork barrel ay i-allocate sa mga mam-babatas taun-taon bakit hindi na lang ito isama sa budget ng mga kagawaran, halimbawa ay DOH at sila ang mamahagi sa mga kawawang mamamayan na nangangailangan ng hospitalisasyon at mga mga gamot. Napakaraming naka-pila sa mga pampublikong hospital na walang pambayad. Huwag nang idaan sa mambabatas ang pondo sapagkat kukurakutin lang. Madali lang kurakutin gaya ng ginawa ni Janet Lim-Napoles na halos P10-bilyon ang naibulsa.
Sana, naiisip ito ng mga namumuno sa bayan. Ibasura na ninyo ang nakakasukang pork barrel na ‘yan.— MANUEL CRUZ, Antipolo St. Sampaloc, Manila <[email protected]>
- Latest