Tips para pumayat
KAIBIGAN, magbibigay ako ng special tips para mabawasan ang inyong timbang.
Sa mga nanay, sa palengke pa lamang piliin ang mga karne na konti lang ang taba. Ihiwalay ang taba sa laman bago pa ito iluto.
Mas healthy ang pag-ihaw at pag-steam ng pagkain kaysa sa laging pagprito sa mantika. Puwede mag-ihaw ng karne o mag-steam ng mga gulay tulad ng talong, okra at talbos. Kung gusto ng healthy na sawsawan sa gulay, subukan ang suka, na nakapapayat pa.
Sa paggamit naman ng mantika, konti lang ang ilagay. Tandaan natin na may calories ang mantika at puwede itong magpataas ng inyong kolesterol.
Sa pagtimpla ng pagkain, hinay-hinay lang sa paglagay ng asin. Ang asin ang kalaban ng mga may altapresyon at may sakit sa puso. Kapag sobra ka sa asin, puwede kang ma-high blood at magmamanas pa ang iyong paa.
Kapag naghahanda ng pagkain, bumili ng maliit na plato. Ito iyung 9 inches na plato at huwag bumili ng 12 inches. Kailangan masanay ang ating pag-iisip na konti lang ang iyong ilalagay na pagkain.
At kung ano ang inilagay mo sa plato, iyon lang ang kainin. Bawal ang dukut-dukot o second serving. Mga nanay, huwag piliting ubusin ang mga tirang pagkain. Tataba kayo niyan.
Bago mag-umpisang kumain, puwede ka munang uminom ng 1 basong tubig para mabusog ka ng kaunti. Puwede ding uminom ng clear soup. Kapag umiinom tayo ng mga likido, medyo nakukumbinsi natin ang ating utak na nabubusog na tayo.
Magbawas sa pagkain ng kanin. Kung dati ay 2 cups ng kanin ang kinakain, gawin na lang 1 cup rice.
Huling payo. Dahan-dahanin lang ang pagpapapayat. Huwag gutumin ang sarili. Kumain ng pakonti-konti sa buong araw, tulad ng mansanas, saging o pandesal, para laging may laman ang inyong tiyan. Good luck po.
- Latest