Paano pa kaya ang mamamayan?
MUKHANG rubout na naman ang naganap sa pagpatay kay Ricky Cadavero, lider ng Ozamis robbery group at kanyang kasamang si Wilfredo Panogalinga. Base sa imbestigasyon ng NBI, walang ebidensiya na sinubukang agawin ng dalawa ang baril ng kanilang mga escort na pulis sa loob ng sasakyan. Tinitingnan din ng NBI kung may koneksyon ang pagpatay kay Cadavero at ang pagkahuli kay Jackson Dy at ang kanyang asawa, na nakatakas sa Cavite noong nakaraang Pebrero. May lumalabas ngayong testigo na may kinuhang mga pera at ilegal na droga ang mga pulis na humuli kina Dy at hindi idineklara sa mga opisyal at sa publiko. Lahat ng mga pulis sa dalawang magkahiwalay na operasyon ay iniimbestigahan na.
Dismayado naman ang mga pulis sa mga paratang sa kanila. Nagbibitaw pa nga ng salita ang kanilang pinuno na sila’y demoralized at baka mangyari ay hindi na magtrabaho ang mga pulis dahil sa mga paratang sa kanila. At sino ang laging talo kapag ganyan na ang pananalita? Hindi ba ang mamamayang Pilipino? Ano ba ang layunin ng pulis? Hindi ba “manilbihan at magbigay ng proteksyon� Sino ang talagang sinisilbihan at pinoprotektahan ng mga pulis na nasasangkot sa krimen, anomalya, at kung anu-ano pang mga paratang?
Ngayong taon lang na ito, dalawang insidente kung saan kuwestiyonable ang operasyon ng mga pulis ang naganap. Isa sa Atimonan, Quezon kung saan rubout din ang resulta ng imbestigasyon, dahil sa umano’y “agawan†sa iligal na aktibidad. At ngayon, tila rubout din ang pagpatay kay Cadavero at ang kanyang kasama. Nagsasalita na ang pamilya ni Cadavero na binayaran umano ang mga pulis para makalaya siya. Totoo ba ito? Kaya ba may pinapuntang pulis ang PNP intel group sa burol ni Cadavero at nagpanggap na taga-CHR para makuha ang impormasyon ng ina at kapatid niya? Ano kaya ang halaga nito sa kasalukuyang imbestigasyon, kung saan napapasama na naman ang mga pulis?
Kung demoralized ang PNP sa mga paratang, paano pa kaya ang mamamayan? Sino na ang maaasahan ng mamamayan para labanan ang krimen, para pairalin ang batas at katahimikan ng bansa? Alam ko may mga pulis diyan na tapat sa tungkulin at sa kanilang sinumpaang layunin. Pero palagi na lang nasasapawan ng mga may sariling iligal na agenda. Nabanggit ko na noon na tila may mga sindikato sa loob ng PNP mismo. Mga grupo ng pulis na kumikilos ayon sa kanilang layunin, kahit salungat pa ito sa batas. Nagtataka na nga ang ilang hepe ng PNP kung bakit sa dalawang operasyong nabanggit, parehong sangkot ang mga pulis ng Calabarzon. May sariling kultura na rin ba sila? Sariling organisasyon, na armado at konektado pa?
Obvious ba?
- Latest